Kinatagpo ni Wang Chen, Pangalawang Tagapangulo ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina, ang mga kinatawan mula sa Mababang Kapulungan ng Estados Unidos. Kabilang sa ang mga mambabatas na Amerikano sina Dina Titus, Ann Kirkpatrick, at Alan Lowenthal.
Diin ni Wang, ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano ay angkop sa pundamental na interes ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Kailangan aniyang isulong ng mga magkabilang panig ang pagtahak sa tumpak na landas ng pag-unlad ng bilateral na relasyon, ayon sa mga napagkasunduan ng dalawang puno ng estado sa kanilang pagtatagpo sa Osaka G20 Summit nitong nagdaang Hunyo, at mga simulain ng paggagalangan, at win-win na resulta. Dapat buong-ingat na hawakan ng Kongresong Amerikano ang mga isyung Tsino na may kinalaman sa Hong Kong, Taiwan, at Tibet para maiwasan ang pinsala sa relasyon ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ng mga representanteng Amerikano ang pagpapahalaga sa ugnayang Sino-Amerikano at kagustuhang palalimin ang pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa.
Salin: Jade
Pulido: Mac