Ipinahayag nitong Huwebes, Agosto 15, ng Tsina na isasagawa nito ang kakailanganing katugong hakbangin kung ipapataw ng Tanggapan ng Representanteng Pangkalakalan ng Estados Unidos ang karagdagang 10% taripa sa 300 bilyong dolyares na panindang Tsino.
Masasabing walang mapagpipilian ang Tsina kundi ilabas ang nasabing pahayag, sapagkat ang pinakahuling banta mula sa panig Amerikano ay lumalabag sa napagkasunduan nina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Donald Trump sa kanilang pagtatagpo sa mga G20 summit sa Buenos Aires at Osaka.
Sa pamamagitan ng pagbabanta ng bagong taripa, lumihis ang Amerika sa tumpak na landas ng talastasan. Kahit agad namang ipinahayag nito ang pagpapaliban ng pagpapataw ng taripa sa mga takdang kalakal, anumang bagong taripa ay makakapinsala sa interes ng Tsina at makatwirang magsagawa ang Tsina ng mga katugong hakbangin.
Walang mananalo sa digmaang pangkalakalan. Wala ring makikinabang sa paglala ng alitang pangkalakalan. Laging nakahanda ang Tsina na makipagtulungan sa panig Amerikano para malutas ang mga problemang pangkalakalan, sa ilalim ng diwa ng pagkakapantay at paggalang sa bottomline ng isa't isa. Maraming beses na ipinahayag ng Tsina na ayaw nitong makipaglaban sa kalakalan, pero hindi ito takot na makipaglaban kung walang ibang pagpili. Laging nananatiling bukas ang pinto ng Tsina kung gustong makipag-usap ang Amerika. Pero, kung gusto lamang ng Amerika na palalain ang alitang pangkalakalan, nakahanda rin ang Tsina na tumugon at makibaka hanggang katapusan.
Salin: Jade
Pulido: Mac