Nitong Sabado, Agosto 24, 2019, ipinatalastas ng panig Amerikano ang muling pagpapataw ng 5% karagdagang taripa sa mga iniluluwas na paninda ng Tsina sa Amerika na nagkakahalaga ng 550 bilyong dolyares. Kaugnay nito, ipinahayag Lunes, Agosto 26 ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina na buong tatag na tinututulan at hinding hindi matatanggap ng panig Tsino ang ganitong aksyon ng trade hegemonism at maximum pressure ng panig Amerikano.
Tinukoy ni Geng na ang kilos ng panig Amerikano ay grabeng salungat sa komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa sa kanilang pagtatagpo sa Osaka, sumira sa alituntunin ng multilateral na kalakalan, at nakapinsala sa interes ng dalawang bansa. Aniya, ito ay hindi lamang nagsasapanganib sa seguridad ng industrial chain at supply chain ng buong mundo, kundi humahadlang din sa paglago ng kalakalan at kabuhayang pandaigdig.
Kung ipapatupad ng panig Amerikano ang kaukulang hakbangin sa taripa, tiyak na ipagpapatuloy ng Tsina ang ganting-hakbangin, para mapangalagaan ang sariling lehitimong karapatan at kapakanan, dagdag ni Geng.
Salin: Vera