Ipinahayag Miyerkules, Setyembre 4, 2019 ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina na palagiang hinihikayat ng pamahalaan ng Tsina ang mga bahay-kalakal na Tsino na isagawa ang kooperasyong pangkabuhayan sa labas, alinsunod sa simulain ng pamilihan, alituntuning pandaigdig, at mga batas sa lokalidad. Buong tatag aniyang tinututulan ng panig Tsino ang panggigipit ng panig Amerikano sa bahay-kalakal na Tsino, ng walang anumang ebidensya, sa pamamagitan ng puwersang pampamahalaan. Kahiya-hiya at imoral ang ganitong aksyon, dagdag ni Geng.
Ayon sa ulat ng American media, isinagawa ng Kagawaran ng Hudikatura ng Amerika ang bagong imbestigasyon hinggil sa umano'y pagnanakaw ng Huawei Technologies Co. Ltd, telecommunication giant ng Tsina, ng lihim na komersyal. Bilang tugon, nagpalabas ng solemnang pahayag ang Huawei, at binatikos nito ang Amerika na humahadlang sa normal na pagnenegosyo ng Huawei, gamit ang puwersang pampamahalaan.
Hinimok ni Geng ang panig Amerikano na itigil ang pag-abuso sa ideya ng pambansang seguridad, itigil ang kahiya-hiyang panggigipit sa mga bahay-kalakal na Tsino, at likhain ang kapaligiran na may makatwirang kompetisyon at walang pagtatangi para sa normal na pamamalakad ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Amerika.
Salin: Vera