Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo Miyerkules, Oktubre 9, 2019 kay Punong Ministro Imran Khan ng Pakistan, binigyang-diin ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na ang Tsina at Pakistan ay natatanging all-weather strategic partners. Aniya, sa anumang nagbabagong situwasyong panrehiyon at pandaigdig, patuloy na nagiging matibay at di kailanman masisira ang pagkakaibigang Sino-Pakistani. Sa mula't mula pa'y nananatiling masigla ang kooperasyong Sino-Pakistani, at walang humpay itong napapalawak at napapalalim, ani Xi.
Sinabi ng pangulong Tsino na palagiang inilalagay ng panig Tsino ang Pakistan sa preperensyal na posisyong diplomatiko ng Tsina. Sa mga isyung may kaugnayan sa nukleong kapakanan at malaking pagkabahala ng Pakistan, patuloy na susuportahan ng Tsina ang Pakistan, dagdag pa niya.
Nagpahayag naman si Imran Khan ng mainit na pagbati sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina (PRC). Ipinahayag niya na bilang matapat na kaibigan ng Tsina, taos-pusong ikinasisiya ng Pakistan ang mga natamong kahanga-hangang tagumpay ng pag-unlad ng Tsina. Pinasasalamatan aniya ng Pakistan ang mga ibinibigay na matatag na pagkatig at di maramot na tulong ng Tsina.
Salin: Lito