Chennai, lunsod sa katimugan ng India—Nagtagpo Biyernes, Oktubre 11, 2019 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Narendra Modi ng India. Ito ang ika-2 di-pormal na pagtatagpo ng dalawang lider, pagkatapos ng kanilang pagtatagpo sa Wuhan, Lalawigang Hubei ng Tsina noong isang taon.
Ipinahayag ni Xi na ikinalulugod niya ang pagbisita sa Tamil Nadu sa katimugan ng India, para mas maunawaan ang India. Aniya, napakalaki ng nakatagong lakas ng people-to-people exchanges ng dalawang bansa. Dapat aniyang gawing pagkakataon ng kapuwa panig ang ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at India sa susunod na taon, para isagawa ang mas malawak at mas malalimang people-to-people exchanges. Dapat magkasamang pasiglahin din ang diyalogo at pagpapalitan ng magkaibang sibilisasyon, para mapatingkad ang mas pangmatagalang lakas-panulak sa pag-unlad ng bilateral na relasyon.
Saad ni Modi, ang India at Tsina ngayon ay kapuwa mahalagang bagong sibol na ekonomiya, at mahalagang mahalaga ang katuturan ng pagpapalakas ng pagpapalitan at pagtutulungan para sa pag-unlad ng dalawang bansa. Dagdag niya, mahaba ang kasaysayan at malalim ang kaalaman ng sibilisasyon ng India at Tsina, at maaari itong magkaloob ng inspirasyon para sa pagresolba sa iba't ibang hamong kinakaharap ng daigdig.
Kapuwa ipinalalagay ng dalawang lider na dapat gumalang at matuto sa isa't isa ang Tsina at India, para magkakapit-bisig na isakatuparan ang komong kasaganaan at dakilang pag-ahon ng mga sibilisasyon ng Tsina at India.
Salin: Vera