Chennai, India—Sa kanyang patuloy na pakikipag-usap nitong Sabado, Oktubre 12, 2019 kay Punong Ministro Narendra Modi ng India, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na ang mainam na pangangalaga at pagpapaunlad ng relasyong Sino-Indian ay nananatiling buong tatag na patakaran ng Tsina. Diin niya, ang darating na ilang taon ay masusing panahon para sa pagsasakatuparan ng pag-ahon ng nasyong Tsino at Indian, at napakahalagang panahon din para sa pag-unlad ng relasyon ng kapuwa panig. Dapat aniya balakin ng kapuwa panig ang kinabukasan ng relasyon ng dalawang bansa, batay sa estratehiko't pangmalayuang anggulo, para magkakapit-bisig na maisakatuparan ang dakilang pag-ahon ng mga sibilisasyon ng Tsina at India. Inanyayahan ni Xi si Modi na muling bumisita sa Tsina.
Saad naman ni Modi, pinahahalagahan niya ang pakikipagkaibigan kay Xi, at nakahandang panatilihin ang ganitong mabuti't mabungang estratehikong pag-uugnayan. Buong pananabik niyang inaasahan ang muling pagdalaw sa Tsina at muling pakikipagtagpo kay Xi.
Salin: Vera