Ayon sa proklamasyong inilabas nitong Huwebes ng gabi, Nobyembre 7, 2019 ng Ministro ng Seguridad na Pampubliko ng Biyetnam, nakumpirma na panig Biyetnames at Britaniko na ang 39 na nasawing natuklasan sa isang trak sa Britanya noong Oktubre 23 ay mga mamamayang Biyetnames.
Ayon sa ulat ng Vietnam Plus, sa ngalan ng pamahalan, nangumusta sa mga kamag-anakan ng mga biktima si Punong Ministro Nguyen Xuan Phuc ng Biyetnam. Nagtagubilin siya sa kaukulang departamento, lalawigan at lunsod na patuloy na makipagtulungan sa panig Birtaniko para hawakan ang mga kaukulang suliranin, at ibalik sa lalong madaling panahon ang bangkay ng mga nasawi.
Diin ni Nguyen, matinding kinondena ng kanyang pamahalaan ang mga ilegal na aksyong gaya ng human trafficking at pag-oorganisa ng ilegal na pagtawid. Nanawagan siya sa iba't ibang bansa sa rehiyon at daigdig na patuloy na palakasin ang kooperasyon para mabigyang-dagok ang ganitong uri ng krimen.
Salin: Vera