Nilagdaan ang kasunduan ng China Media Group (CMG) at Grupo Globo, pinakamalaking media group sa Latin Amerika, nitong Lunes, Nobyembre 11, local time, sa Rio de Janeiro, Brazil. Ayon sa kasunduan, magtutulungan ang dalawang media group sa produksyon ng teleserye, pelikula, palakasan, libangan at aplikasyon ng teknolohiyang 5G.
Bago lumagda ng kasunduan, nagtagpo sina Shen Haixiong, Presidente ng CMG at Roberto Marinho, Miyembro ng Board ng Grupo Globo. Nakahanda ang dalawang panig na pahigpitin ang pagtutulungan sa pagpapalitan ng mga programa, magkasamang produksyon at aplikasyon ng mga teknolohiyang 4K, 8K at 5G.
Ang seremonya ng paglalagda ay ginanap sa bisperas ng pagdaraos ng BRICS Summit na idinaraos Nobyembre 13 at 14. Ang BRICS ay binubuo ng limang bagong-sibol na ekonomiya na kinabibilangan ng Brazil, Rusya, India, Tsina, at Timog Aprika. Sa ngalan ng Tsina, kalahok sa nasabing summit si Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Salin: Jade
Pulido: Mac