Linggo ng gabi, Disyembre 1, 2019, nag-usap sa telepono sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Ursula von der Leye, bagong Tagapangulo ng Komisyon ng Unyong Europeo (EU).
Tinukoy ni Li na ang Tsina at Europa ay pangunahing kooperatibong magkatuwang, at buong tatag nilang pinangangalagaan ang multilateralismo at malayang kalakalan. Aniya, ang pagpapalakas ng panig Tsino't Europeo ng estratehikong pag-uugnayan, at pagpapalalim ng komprehensibong kooperasyon ay makakabuti sa isa't isa, pati na rin sa daigdig.
Sinabi naman ni Ursula von der Leye na ginagawang priyoridad na gawain ng bagong komisyon ng EU ang pagharap sa pagbabago ng klima, at hinahangaan niya ang ginagawang pagsisikap ng panig Tsino para rito. Nakahanda aniya ang EU na palakasin ang kooperasyon sa Tsina sa mga isyung gaya ng pagharap sa pagbabago ng klima, reporma ng World Trade Organization at iba pa, at pasulungin ang tuluy-tuloy na pag-unlad ng relasyong Sino-Europeo.
Salin: Vera