|
||||||||
|
||
Mula Martes hanggang Huwebes, ika-10 hanggang ika-12 ng Disyembre 2019, idinaos sa Beijing ang taunang Sentral na Pulong sa Gawaing Pangkabuhayan ng Tsina, kung saan pinag-aralan ang kasalukuyang kalagayan ng kabuhayan at ginawa ang plano ng gawaing pangkabuhayan sa taong 2020.
Bumigkas ng talumpati sa pulong si Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, Pangulo ng estado, at Tagapangulo ng Sentral na Komisyong Militar ng bansa.
Ayon sa pulong, matatag at mabuti ang takbo ng kabuhayang Tsino. Anito sa taong 2019, malusog ang pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Tsina, kapansin-pansin ang bunga ng pagbabawas ng kahirapan, maganda ang pagkontrol sa mga panganib na pinansyal, patuloy na napabuti ang kapaligirang ekolohikal, isinagawa ang mga mahalagang hakbangin ng reporma at pagbubukas sa labas, at nasa iskedyul ang pagsasakatuparan ng mga target ng ika-13 panlimahang-taong plano ng pagpapaunlad ng kabuhayan at lipunan ng bansa.
Ayon pa rin sa pulong, sa susunod na taon, ibayo pang palalawakin at palalalimin ng Tsina ang pagbubukas sa labas. Ang mga pangunahing tungkulin sa aspektong ito ay kinabibilangan ng ibayo pang pagpapasulong at pangangalaga sa pamumuhunang dayuhan, patuloy na pagpapaikli ng negative list para sa pamumuhunang dayuhan, pagpapanatili ng matatag na paglaki ng kalakalang panlabas, pagpapalawak ng paggamit ng puhunang dayuhan, pagpapababa ng pangkalahatang lebel ng taripa, pagtatayo ng free trade port sa Hainan, pagpapabuti ng patakaran ng pamumuhunan para sa Belt and Road, at pagpapabilis ng mga talastasan sa mga bilateral at multilateral na kasunduan sa malayang kalakalan.
Itinakda rin sa pulong ang mga pangunahing kahilingan sa isyu ng paghahanapbuhay, mga patakaran ng makro-ekonomiya, mga tungkulin ng patuloy na pagpapalalim ng reporma sa sistemang pangkabuhayan, at iba pang mga gawain sa susunod na taon. Inulit din sa pulong na dapat pawiin ang kahirapan sa bansa alinsunod sa iskedyul sa taong 2020.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |