Istanbul — Nitong Miyerkules, Enero 8, 2020, magkasamang dumalo sina Pangulong Recep Tayyip Erdogan ng Turkey at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya sa seremonya ng pagsasaoperasyon ng "TurkStream" na isang natural gas pipeline project. Nitong Martes naman, biglang bumiyahe si Putin sa Syria para makipagtalakayan kay Pangulong Bashar al-Assad ng Syria tungkol sa prosesong pulitikal ng Syria, situwasyong panrehiyon, at iba pang isyu.
Ipinalalagay ng mga tagapag-analisa na ang nasabing biyahe ni Putin sa Gitnang Silangan ay naglalayong, una, palakasin ang relasyon sa Turkey sa pamamagitan ng kooperasyong pang-enerhiya; ikalawa, ipakita ang ginagawang mahalagang papel ng Rusya sa isyu ng Syria. Ang mga ito ay nakakatulong sa pagpapalawak ng impluwensiya ng Rusya sa Gitnang Silangan.
Bagama't umiiral pa rin ang ilang pagkakaiba sa pagitan ng Turkey at Rusya sa ilang isyung panrehiyon, mainam sa kabuuan ang pangkalahatang relasyon ng dalawang bansa. Nitong ilang taong nakalipas, dahil sa mga komong interes sa mga larangang tulad ng enerhiya, seguridad, at turismo, lumalakas ang relasyon ng Turkey at Rusya.
Salin: Li Feng