Sa isang news briefing na idinaos Lunes, Pebrero 24, 2020 ng Pambansang Tanggapan ng Impormasyon ng Tsina, ipinahayag ni Ren Hongbin, Asistante ng Ministro ng Komersyo ng Tsina, na hindi mababago ng epidemiko ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) ang mainam na tunguhin ng pag-unlad ng kalakalang panlabas ng bansa, pati na ang komprehensibong bentaheng kompetitibo ng Tsina sa pag-akit ng mga pondong dayuhan. Aniya, ang Tsina ay nananatili pa ring mainit na destinasyong pampamumuhunan ng mga bahay-kalakal mula sa buong daigdig.
Dagdag ni Ren, sapul nang maganap ang epidemiya ng COVID-19, bukod sa mga komong problemang kinakaharap ng iba pang kompanya, nahaharap din ang mga kompanyang Tsinong nasa larangan ng kalakalang panlabas sa mga problemang gaya ng mahirap na pagkuha ng order at pagtupad sa kontrata, di-maalwang pagtakbo ng pandaigdigang lohistika, at pagdami ng trade barrier.
Upang tulungan ang mga bahay-kalakal sa pagpapanumbalik ng produksyon, isinapubliko ng Ministri ng Komersyo ng Tsina ang 20 katugong polisya upang mapatatag ang kalakalang panlabas at mapasulong konsumo. Bukod dito, isinasagawa rin ng mga departamentong tulad ng pinansya, bangko sentral, at adwana, ang mga patakaran ng pagbibigay-tulong sa ganitong mga kompanya.
Samantala, inakto ng mga probinsyang gaya ng Guangdong, Zhejiang, Henan, at Gansu, ang mga hakbangin para tulungan ang mga kompanyang nasa larangan ng kalakalang panlabas sa pagpawi sa mga kahirapan.
Salin: Lito