Ayon sa ulat, sa isang magkakasanib na email na ipinadala nitong Huwebes, Pebrero 20, 2020 ng 53 kawani ng pahayagang Wall Street Journal sa Tsina, humiling sila sa mga mataas na opisyal ng pahayagang ito na baguhin ang titulo ng artikulong "China Is the Real Sick Man of Asia," at humingi ng paumanhin sa mga naagrabyado. Anang email, ito ay isang maling pamagat na gumalit sa maraming taong kinabibilangan ng mga mamamayang Tsino. Pero ipinahayag nitong Sabado ng tagapagsalita ng Wall Street Journal na hindi nagbabago ang paninindigan ng kanyang pahayagan.
Kaugnay nito, muling ipinagdiinan nitong Lunes, Pebrero 24 ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa harap ng insulto at paghamak, hinding hindi mananatiling tahimik ang Tsina. At kung igigiit ng pahayagan ang paninindigan nito, dapat maging handa ito sa anumang magiging kalalabasan.
Salin: Vera