Ipinagdiinan nitong Lunes, Pebrero 24, 2020 ni Tedros Adhanom Ghebreyesus, Direktor Heneral ng World Health Organization (WHO), na kahit ikinababalisa ng mga tao ang mabilis na pagdami ng mga kumpirmadong kaso ng pagkahawa sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa Italy, Iran, Timog Korea at ibang bansa, hindi pa matatawag na pandemic ang epidemiya.
Sa regular na news briefing ng WHO nang araw ring iyon sa Geneva, saad ni Dr. Tedros, ang desisyon ng WHO hinggil sa pagdeklara o hindi ng isang epidemiya bilang pandemic ay nababatay sa tuluy-tuloy na pagtasa sa heograpikal na pagkalat ng virus, kabigatan ng sakit na dulot ng virus at epekto nito sa buong lipunan.
Ayon pa sa WHO chief, sa kasalukuyan, walang indikasyon na "di-makokontrol" ang pagkalat ng novel corona virus sa buong mundo, at walang nakitang malawakang kaso na nasa kritikal na kondisyon o kaso ng pagkamatay. Di-angkop sa katotohanan at magdudulot ng takot ang paggamit ng salitang "pandemic" sa kasalukuyan, at hindi makakatulong ito sa pagpigil sa pagkalat ng epidemiya o panggagamot sa mga buhay, dagdag niya.
Salin: Vera