Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

OP-ED: "MASK DIPLOMACY," KINAKASANGKAPAN NG KANLURAN PARA SIRAAN ANG TSINA

(GMT+08:00) 2020-04-06 16:30:14       CRI
Mapapakinggan din po ninyo ang FB livecast hinggil sa op-ed na ito sa link na:

https://www.facebook.com/CRIFILIPINOSERVICE/videos/214071013234558/

Tunay na kahindig-hindig ang pinsalang dinulot at patuloy na idinudulot ng pandemiya ng Novel Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa daigdig.

Kasabay ng araw-araw na pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong kaso, ang gabundok na pangangailangan para sa suplay-medikal.

Sa kabila ng patuloy pa ring pakikipagdigma ng Tsina laban sa COVID-19 sa domestikong prontera, pilit itong nagpupunyagi para makapagbigay ng napapanahon at kinakailangang tulong sa 120 apektadong bansa, na kinabibilangan ng Pilipinas at 4 na internasyonal na organisasyon.

Libu-libong pagawaan sa Tsina ang dagliang nagbalik-operasyon upang maibigay sa daigdig ang kinakailangang mga test kit, maskara, at pamprotektang kasuotan.

Para makaagapay sa pangangailangan ng daigdig, ipinoprodyus ng bansa ang mahigit 100 million maskara araw-araw: na limang beses na mas malaki kaysa sa arawang produksyon bago lumitaw ang pandemiya.

Hinggil dito, ipinahayag sa Beijing nitong Linggo, Abril 5, 2020 ni Jiang Fan, First-level Inspector ng Departamento ng Kalakalang Panlabas ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na hinding-hindi humadlang at hahadlang ang Tsina sa pagluluwas ng materyal na medikal.

Aniya, hanggang Abril 4, nilagdaan na ng Tsina, at 54 na bansa't rehiyon at 3 organisasyong pandaigdig ang kontrata sa komersyal na pagbebenta ng materyal na medikal.

Bukod dito, kasalakuyan ding sumusulong ang negosasyon sa pagitan ng 74 na bansa't rehiyon,10 organisasyong pandaigdig, at mga bahay-kalakal na Tsino ukol sa komersyal na pagbebenta ng naturang mga materyal, dagdag ni Jiang.

Nitong Marso 31, magkakasanib na inilabas ng Ministri ng Komersyo, Pangkalahatang Administrasyon ng Adawa, at State Drug Administration ng Tsina ang proklamasyon upang mahigpit na maisigurado ang kalidad ng mga produkto, istandardisahin ang kaayusan ng pagluluwas, at gawin ang ambag ng Tsina para sa magkakasamang pagharap sa COVID-19 pandemic at pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.

Sa kabila ng kabutihang-loob, pagmamalasakit at pagtulong ng Tsina sa maraming bansa at organisasyon sa mundo, ilang kanluraning media at personalidad ang nagbibigay ng maitim na kulay at malisya sa makataong aksyong ito.

Ito, anila ay "mask diplomacy." Ang tanong, totoo nga ba?

Ayon sa Agance France Presse News Agency, sinusubukan di-umano ng Tsina na ipinta ang sarili bilang isang mabuting samaritano, habang iniiwasan ang mga pagpuna sa mga unang hakbang na ginawa nito sa paghawak sa COVID-19.

Sinabi naman sa artikulo ng The Diplomat, ipinakikita ng Tsina ang "soft at sharp power" sa Europa, dahil ang mga tulong na ibinibigay nito ay estratehiya upang makuha ang pabor, puso at isipan ng marami sa mga mamamayang Europeo.

Kaugnay nito, nagbabala kamakailan ang puno ng polisiyang panlabas ng Europa na si Josep Borrell tungkol sa di-umano ay "politics of generosity" ng Tsina, at pinanawagan niya sa Unyong Europeo (EU) na maging handa para sa "struggle for influence" in a "global battle of narratives."

Sa dinami-dami ng tulong at kabaitang ipinakita at patuloy na ipinakikita ng Tsina sa maraming bansa ng Europa, ito ang iginanti ni Borell, isang mataas na opisyal ng EU.

Ganito ba umasal ang mga taong nagmula sa Europa? Ito ba ang saloobin ng mga mamamayan ng Europa? Ito ay tanong lamang.

Sa personal na lebel, sa tuwing tutulong ang isang tao sa iba, naipapakita ang tinatawag na "soft power." Ito ay katulad din sa lebel ng mga bansa.

Ang "soft power" ay naipapakita ng Tsina, Amerika, Europa, Hapon, Timog Korea, at iba pa sa tuwing sila ay nagbibigay ng tulong.

Ito ay isang normal na penomenang nangyayari sa pagtulong sa kapuwa.

Pero, sa pangkagipitang panahong nararanasan natin ngayon, hindi ito ang importante: ang mahalaga sa ngayon ay maisiguradong magiging ligtas, masagana, at malusog ang bawat isa: at mangyayari lamang ito kung magtutulungan ang bawat tao at bansa sa mundo.

Ang walang basehang paninira at paranoia ng iilang tao at media ay HINDI NAKAKATULONG sa pag-abot ng layuning ito.

Sa kabilang ispektrum ng mga palagay, sinabi ni Arancha González Laya, Ministrong Panlabas ng Espanya, na noong nangangailangan ng tulong ang Tsina, hindi tumalikod ang Espanya, dahil ito ay hindi lamang magandang bagay, kundi nararapat na dapat gawin. Karapat-dapat lamang na tulungan ang isang kaibigang nasa binit na kalagayan.

Ganito rin halos ang mga katagang binitawan kamakailan ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr., at Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas.

Ang tulong na ipinagkaloob ng Pilipinas sa mga mamamayang Tsino noong kasagsagan ng epidemiya ng COVID-19, bagamat maliit, ay malaking tulong, lalung-lalo na sa mga taga-Wuhan.

Doon naipakita ng Pilipinas sa pamahalaan at mamamayang Tsino, na kahit anong mangyari, kaagapay ng Tsina ang Pilipinas at mga mamamayang Pilipino.

Kaya naman, ngayong ang Pilipinas at iba pang bansa sa daigdig ang nangangailangan ng tulong, hinding-hindi bibitiw ang Tsina at mga mamamayang Tsino.

Gagawin ng Tsina ang lahat ng makakaya upang tulungan ang mga kaibigan, hindi dahil naghahangad ito ng kapangyarihan at hegemonya, kundi, ginagawa lamang nito ang nararapat na gawin ng isang tapat na kaibigan.

Marahil marami sa ating mga Pilipino ang hindi nakakakilala sa tunay ng kultura ng mga Tsino, pero, sa kaibuturan ng kulturang Tsino, makikita ang mga ginintuang aral na nagmula pa sa dakilang gurong si Kompyusiyus, at isa rito ang pagsukli sa kabutihang ibinigay sa iyo ng iba.

Kinakailangan ng pandaigdigang paglaban sa COVID-19 ang pagkakaisa ng lahat, at hindi politikal na kalkulasyon, at ito ay naiintindihan ng Tsina.

Ayon kay Aleksandar Vucic, Pangulo ng Serbia, ang Tsina lamang sa panahon ngayon ang makakatulong sa kanyang bansa.

Samantala, ayon naman kay Angelo Borelli, Coronavirus Emergency Commissioner ng Italya, "we are deeply grateful to China for its generous assistance."

Pero, sa kabila ng lahat ng ito, bulag, pipi, at bingi ang ilang mga taga-kanluran at ilan ding mga Pilipino.

Para sa kanila, mas mahalaga ang pagyurak sa reputasyon ng Tsina kaysa sa pagsasalba ng buhay ng tao.

Ang mga positibong reaksyon mula sa Pilipinas, Italya, at Serbia ay mga ebidensya ng di-umano ay "mask diplomacy" ng Tsina.

Sa madilim na panahong nararanasan ngayon ng mundo, ipinakikita ng mga media at ilang personaheng ito ang kanilang di-matatawarang kakayahan sa laro ng "double standard."

Ang tulong mula sa Tsina ay "mask diplomacy," pero kung ang tulong naman ay magmumula sa kanluran, ito ay "an act of humanitarianism."

Kapag ginamit ng Tsina ang teknolohiya sa paglaban sa virus, ito ay "breach of privacy," pero kapag ang kanluran ang gumawa nito, ito ay "tamang aksyon."

Hindi po ba kapuwa nakakatuwa at nakakasulasok?

Kahit ano ang gawin ng Tsina, mukhang walang masasabing maganda ukol dito ang kanluran.

Mukha yatang hindi nila matanggap ang mapayapang pag-ahon ng Nasyong, kaya naman lahat ng posibleng paraan ay ginagamit nila, pati na ang pandemiya ng coronavirus, para siraan ang Tsina.

Para magtagumpay ang sangkatauhan, kailangan nating magkaisa, pero, habang kinikitil ng virus ang libu-libong buhay, ilang mga taga-kanluran ang abalang-abala sa paggawa ng alingas-ngas at tsismis laban sa Tsina.

Sulat: Rhio Zablan

SOURCE:

https://filipino.cri.cn/301/2020/04/06/109s167117.htm

https://news.cgtn.com/news/2020-04-05/-Mask-diplomacy-a-tool-to-bash-China-PqVDzN3EIw/index.html

https://news.cgtn.com/news/2020-04-04/A-mask-is-a-mask-PplAgpeTiE/index.html

https://news.cgtn.com/news/2020-04-05/Baseless-Wuhan-death-speculations-is-not-proper-journalism-Pr1IYYaRMs/index.html

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>