Muling sinimulan kamakailan ng ilang politikong Amerikano sa gitna ng pandemic ng COVID-19 ang malawakang pagpapalaganap ng ideyang pagsasara ng mga bahay-kalakal na Amerikano sa Tsina, planong paglipat ng mga negosyo sa Timog Silangang Asya, at nagpupukaw sila ng "Kontra-Tsinang" paninindigan sa global industrial chains.
Tinukoy ng mga tagapag-analisa na layon nitong makuha ang mga kapakanang pulitikal. Lalung lalo na, sa gitna ng palala nang palalang kalagayan sa loob ng Amerika na dulot ng mga maling desisyon at gawain sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya at pagtaas nang malaki ng unemployment rate, napakaliwanag na ang pagpupukaw sa naturang mga tema ay naglalayong ilipat ang pansin ng publiko at mapahupa ang kontradiksyon sa bansang ito.
Ang kasalukuyang katayuan ng Tsina sa global industrial chains ay naitatag dahil sa mga bentaheng gaya ng kumpletong sistemang industriyal, kumpletong imprastruktura, at mayamang talento at lakas na manggagawa na pinapaunlad nitong ilampung taong nakalipas. Ito rin ang bunga ng sariling pagpili ng mga transnasyonal na kompanya. Pawang ipinalalagay ng mga tagapag-analisang Tsino at dayuhan na "imposibleng maganap" ang malawakang paglilipat ng supply chains mula sa Tsina.
Ayon sa komentaryong inilathala ng "Financial Times" ng Britanya, ang pandemic ng COVID-19 ay pandaigdigang krisis sa halip na krisis ng globalisasyon. Anito, sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya at pagpapaunlad ng kabuhayan, ang pagkakaisa at pagtutulungan ay siyang tanging tamang landas para harapin ito.
Salin: Lito