Ayon sa nakatakdang plano, tatapusin ng Tsina ang tungkulin ng pag-aalis ng tunay na karalitaan at isasakatuparan ang hangarin ng komprehensibong pagtatatag ng may kaginhawahang lipunan sa loob ng kasalukuyang taon. Ngunit nagkaroon ito ng napakalaking hamon nang maganap ang COVID-19 pandemic. Hanggang sa kasalukuyan, mahigit 200 araw na lamang ang natitira para tapusin ang nakatakdang hangarin at tungkulin, kaya bang maisakatuparan o hindi ng Tsina ang hangarin sa itinakdang panahon?
Sa panahon ng kanyang paglalakbay-suri sa probinsyang Shaanxi mula noong Abril 20 hanggang 23, binigyan ng direksyon at pamamaraan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang mga hakbangin ng pag-aalis ng karalitaan sa pamamagitan ng industriya, paghahanap-buhay, kalusugan, at edukasyon. Ipinalabas nito ang malinaw na signal na maisasakatuparan ng Tsina ang tungkulin ng pag-aalis ng karalitaan sa nakatakdang panahon, at lubos nitong ipinakikita ang ideya sa pangangasiwa ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) na "gawing sentro at pokus ang mga mamamayan."
Kung maaaring maisakatuparan ng Tsina ang nakatakdang hangarin ng komprehensibong pag-aalis ng karalitaan sa kasalukuyang taon, mangangahulugan itong mas maaga ng sampung (10) taon na naisakatuparan ng Tsina ang hangarin ng pag-aalis ng karalitaan na itinakda sa United Nations (UN) 2030 Agenda for Sustainable Development. Napakalaki ng katuturan nito para sa buong daigdig.
Sinabi ni Robert Lawrance Kuhn, Presidente ng Kuhn Foundation ng Amerika, na irerekord ng historiograpiya sa hinaharap ang walang-tulad na hakbang ng Tsina sa pagbibigay-tulong sa mga mahihirap bilang pinakamalaking ambag na inialay sa pagpapabuti ng kalagayan ng pananatili ng sangkatauhan sa kasaysayan ng daigdig.
Salin: Lito