Kinapanayam nitong Martes, Abril 28, 2020 ng National Broadcasting Corporation (NBC) ng Estados Unidos si Le Yucheng, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina.
Hinggil sa pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano sa susunod na yugto, sinabi ni Le na dapat ipatupad muna ng kapuwa panig ang mga komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa, at magkasamang pasulungin ang relasyong Sino-Amerikano na nababatay sa koordinasyon, kooperasyon at katatagan.
Dagdag niya, may 3 dapat at di-dapat hinggil sa pagpapaunlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Ang mga "dapat" ay ang mga sumusunod: dapat panatilihin ang regular na pag-uugnayan ng mga lider ng dalawang bansa at diyalogo't koordinasyon ng mga kaukulang departamento ng kapuwa panig; dapat palalimin ang pragmatikong kooperasyon ng kapuwa panig sa iba't ibang larangan; at dapat palakasin ang pandaigdigang kooperasyong kontra epidemiya sa multilateral na larangan.
Samantala, narito naman ang mga "di-dapat:" huwag isagawa ang istigmatisasyon laban sa Tsina; huwag gawin ang sinasadyang paninira o hadlangan ang pangkalahatang kalagayan ng kooperasyon ng dalawang bansa; at huwag isagawa ang zero-sum competition, sa pamamagitan ng epidemiya.
Salin: Vera