|
||||||||
|
||
"Ang mga mamamayan ay ugat ng Partido Komunista ng Tsina (CPC)," "Dapat igiit ang kaisipang gawing sentro ng pag-unlad ang mga mamamayan…"
Sa kanyang pagdalo sa mga diskusyon ng mga delegasyon na kalahok sa dalawang taunang sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina at Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino, paulit-ulit na binanggit ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC at Pangulo ng bansa, ang paksang "Mamamayan muna."
Pagpasok ng kasalukuyang taon, sumiklab sa Tsina ang biglaang krisis ng kalusugang pampubliko. Pinakamabilis at pinakamalawak sa kasaysayan ang pagkalat ng virus, at pinakamahirap para sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya.
Sa pamamagitan ng masigasig na pagsisikap, natamo ng Tsina ang mahalagang estratehikong bunga ng pagpigil at pagkontrol sa epidemiya sa loob ng halos 3 buwan.
Sa panahon ng nasabing dalawang taunang sesyon, ang pagpigil at pagkontrol sa epidemiya at pag-unlad ng kabuhayan ay naging paksang pinag-uukulan ng pinakamalaking pansin.
Nang dumalo sa diskusyon ng delegasyon ng Rehiyong Awtonomo ng Inner Mongolia, binanggit ni Xi ang ikinuwento ng isang deputado ng Lalawigang Hubei sa mga mamamahayag. Mahigit 3,000 may-sakit ng COVID-19 na may edad lampas 80 taong gulang ang nailigtas sa Hubei. Kabilang dito, gumaling ang isang 87 taong gulang na pasyente, pagkaraan ng ilanpung araw na buong lakas na panggagamot ng mahigit 10 doktor at nars.
Ani Xi, ipinakikita ng pangyayaring ito ang tunay na ideyang "Mamamayan muna."
Sa proseso ng pag-unlad ng kabuhayan, dapat gawing sentro rin ang mga mamamayan. Sa ilalim ng epekto ng epidemiya, ang pinakamahalagang tungkulin ng kabuhayang Tsino ngayon ay pagpapatatag ng pundasyon ng kabuhayan, at paggarantiya sa baseline ng pamumuhay ng mga mamamayan.
Sa group meeting ng mga kagawad mula sa sektor ng kabuhayan, inanalisa ni Xi ang kalagayang kinakaharap ng kabuhayang Tsino at mga malinaw na bentahe ng Tsina. Diin niya, dapat masipag na hanapin ang bagong pagkakataon sa krisis, at likhain ang bagong kayarian sa pabagu-bagong kalagayan. Samantala, dapat igiit ang multilateralismo at demokrasya sa relasyong pandaigdig, at buong tatag na pasulungin ang pag-unlad ng globalisasyong pangkabuhayan. Ito aniya ay tungo sa pagkakaroon ng bukas, inklusibo, balanse, at may win-win na resultang pag-uugnayan, upang mapasulong ang pagtatatag ng bukas na kabuhayang pandaigdig.
Laging pinahahalagahan ni Xi ang mahihirap na mamamayan. Diin niya, dapat tulungan ang mga mamamayan, lalung lalo na, mga magsasaka. Ito ay nagpadala ng signal na isasakatuparan ng Tsina ang tungkulin ng pagpawi sa karalitaan, ayon sa nakatakdang iskedyul.
Kahit anumang hamon at presyur ang kahaharapin, at anumang sakripisyo't kabayaran ang gagawin, buong tatag na magpupunyagi ang CPC, kasama ng mga mamamayang Tsino, para sa mas maligayang pamumuhay.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |