Ayon sa ulat, ipinahayag kamakailan ng Comprehensive Nuclear Test Ban Treaty Organization (CTBTO) Group of Eminent Persons (GEM) ang lubos na pagkabahala sa pagbabalita ng media tungkol sa di umano'y pagtalakay ng Amerika hinggil sa posibilidad ng pagpapanumbalik ng pagsubok na nuklear. Diin nito, kung gagawin ito ng panig Amerikano, makakasira ito sa pamantayan ng "pagsuspendi ng pagsubok na nuklear" sa daigdig, at malubhang makakapinsala sa mekanismo ng komprehensibong pagbabawal sa pagsubok na nuklear.
Nanawagan din ito sa iba't-ibang bansa na ulitin ang matatag na suporta sa kasunduang ito at magsagawa ng konkretong hakbangin para maigarantiya ang pagkakaroon ng bisa ng kasunduang ito sa lalong madaling panahon. Ipinahayag na ng panig Ruso ang pagkatig nito sa nasabing pahayag.
Kaugnay nito, sa regular na preskong idinaos sa Beijing nitong Lunes, Hunyo 8, 2020, sinabi ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na umaasa ang panig Tsino na mataimtim na pakikinggan ng panig Amerikano ang panawagan mula sa komunidad ng daigdig at gagawa ng mas maraming bagay na makakatulong sa nuklear na disarmament at sistema ng di-pagpapalaganap ng nuklear sa daigdig. Aniya pa, nawa huwag nito gawin ang mga bagay na nakakasira sa pandaigdigang katatagan ng estratehiya.
Salin: Lito