Sa pamamagitan ng video link, idinaos Martes, Hunyo 22, 2020 ang China-Arab States Political Parties Dialogue Extraordinary Meeting. Sa ngalan ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), ipinadala ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC, at Pangulo ng bansa, ang mensahe sa pulong bilang pagpapahayag ng maringal na pagbati at taos-pusong pangungumusta sa mga kalahok na lider ng mga partido ng mga bansang Arabe.
Tinukoy ni Xi na sa harap ng biglang pagsiklab na COVID-19 pandemic, magkakasamang nahaharap ang Tsina at mga bansang Arabe sa kahirapan. Aniya, sa pamamagitan ng magkakasamang pakikibaka laban sa epidemiya, nagiging mas matibay ang estratehikong partnership ng Tsina at mga bansang Arabe, mas malalim ang ugnayan ng kanilang mga mamamayan, at mas maliwanag ang prospek ng kooperasyon.
Ipinahayag din ni Xi ang kahandaan ng CPC na magsikap kasama ng mga partido ng iba't-ibang bansang Arabe para patuloy na mapalakas ang kanilang estratehikong pagsasanggunian at mapalalim ang pagpapalitan ng kanilang karanasan sa pangangasiwa ng normalisasyon ng pagpigil at pagkontrol sa epidemiya.
Lubos na hinahangaan naman ng mga kalahok na lider na Arabe ang palagiang paggigiit sa ideya ng pangangasiwang "unahin ang mga mamamayan" ng partido at pamahalaang Tsino sa proseso ng paglaban sa epidemiya. Ipinalalagay nila na ang mga isyu ng Hong Kong at Xinjiang ay mga suliraning panloob ng Tsina. Tinututulan ng mga bansang Arabe ang panghihimasok ng mga dayuhang puwersa sa mga suliraning panloob ng Tsina, dagdag pa nila.
Salin: Lito