Nitong Huwebes, Hulyo 16, 2020, sa ngalan ni US President Donald Trump, isinapubliko ng White House ang pahayag bilang paggunita sa ika-75 anibersaryo ng unang pagsubok na nuklear.
Anang pahayag, pagkatapos ng World War II, ang puwersang nuklear ng Amerika ay mabisang nangangalaga sa seguridad at katatagan ng buong daigdig, at nagkakaloob ng garantiyang panseguridad sa Amerika at mga bansang kaalyado nito. Anito pa, muling nanawagan ang Amerika na idaos ang "arms control talks ng Tsina, Amerika, at Rusya" para maiwasan ang bagong arms race.
Kaugnay nito, ipinahayag nitong Biyernes ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa isang dako, puspusang isinusulong ng Amerika ang sariling modernisasyon ng sandatang nuklear para hanapin ang tiyak na bentaheng estratehiko. Sa kabilang dako, ani Hua, lantaran nitong sinisira ang pandaigdigang sistema ng pagkontrol sa mga sandata. Ang mga ginagawa ng Amerika ay nagdudulot ng malaking banta sa estratehikong seguridad at katatagan ng buong daigdig, aniya pa.
Dagdag pa ni Hua, kaugnay ng muling sinulsulang umano'y arms control talks ng Tsina, Amerika, at Rusya, maraming beses na ipinaliwanag ng panig Tsino ang posisyon nito. Bilang bansang mayroong pinakamaraming sandatang nuklear sa buong daigdig, dapat solemnang pakitunguhan ng panig Amerikano ang pagkabahala ng komunidad ng daigdig.
Salin: Lito