Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono nitong Lunes ng gabi, Hulyo 20, 2020 kay Pangulong Mahmoud Abbas ng Palestina, sa ngalan ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino, ipinaabot ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang taos-pusong pakikiramay at matatag na suporta sa pakikibaka ng pamahalaan at mga mamamayang Palestino laban sa pandemic ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Tinukoy ni Xi na ang Tsina at Palestina ay mabuting magkapatid, magkaibigan, at magkatuwang. Patuloy aniyang ibabahagi ng panig Tsino ang kaukulang karanasan sa panig Palestino sa pakikibaka laban sa epidemiya. Bukod dito, ayon sa pangangailangan ng panig Palestino, patuloy na isasagawa ng panig Tsino ang mga proyektong nakakatulong sa pagpapaunlad ng kabuhayang Palestino at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan nito, ani Xi.
Tungkol sa isyu ng Palestina, ipinagdiinan ni Xi na ang isyung ito ay palagiang core issue o usaping nasa sentro ng rehiyong Gitnang Silangan. Ito aniya ay may kaugnayan sa kapayapaan at katatagang panrehiyon, pagkakapantay at katarungang pandaigdig, at moralidad at dignidad. Nakahanda aniya ang panig Tsino na patuloy na magbigay ng positibong ambag para maisakatuparan ang komprehensibo, makatarungan, at pangmagatalang kalutasan sa isyung ito, dagdag pa niya.
Pinasalamatan naman ni Abbas ang ibinibigay na pagkatig at tulong ng panig Tsino sa panig Palestino sa paglaban sa epidemiya. Aniya, paulit-ulit na napatunayan ng katotohanan na ang Tsina ay pinakamapagkakatiwalaang kaibigan ng mga mamamayang Palestino. Tulad ng dati, matatag aniyang tatayo ang Palestina sa panig ng Tsina para mabigyang-suporta ang lehitimong posisyon ng panig Tsino sa mga isyung gaya ng Hong Kong at Xinjiang.
Salin: Lito