Sa kabila ng pangyayaring unang naiulat sa Wuhan ng Tsina ang unang clusters ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), hindi ito nangangahulugang sa Wuhan nangyari ang paglipat mula hayop sa tao. Ipinahayag ito Agosto 3, 2020, ni Dr. Michael Ryan, executive director of the World Health Organization (WHO ) Health Emergencies Program.
Sinabi ni Ryan na ipinagkaloob na ng mga ekspertong Tsino ang mga impormasyon sa inisyal na yugto ng pandemiya.
Puspusang nagtatrabaho at masigasig ang Tsina, pero kinakailangan ang mas malawak at malalim na pananaliksik para malaman ang ugnayan sa pagitan ng mga kumpirmadong kaso, sa gayo'y matutukoy rin ang lugar kung saan naganap ang cross-species na pagkalat ng virus.
Ipinahayag nang araw ring iyon ni Tedros Adnanom Ghebreyesus, Direktor-Heneral ng WHO, na nasa Phase III clinical trial ang mga bakuna. Umaasa siyang mabilis na magtatagumpay ang mga bakuna para mapangalagaan ang mga tao mula sa COVID-19. Pero, tinukoy din niya na walang epektibong bakuna sa kasalukuyan. Sa kasalukuyan, ang pagkontrol sa pandemiya ng COVID-19 ay depende sa kalagayan ng pampublikong kalusugan, pasilidad at hakbangin na gagamitin sa pagkontrol sa sakit at iba pa.
Salin:Sarah