Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Manggagawang medikal ng Tsina at Pilipinas, bayani ng bagong panahon: kanilang sakripisyo at pagpupunyagi, nararapat pasalamatan

(GMT+08:00) 2020-08-19 17:24:55       CRI

Sila ay mga haligi at ilaw ng tahanan, anak, kaibigan, kapatid, at mga ordinaryong mamamayan, pero sa harap ng panganib ng pagkaratay sa sakit at kamatayan, sila ang mga doktor at nars; magigiting na mandirigmang hindi sumusuko upang iligtas ang buhay ng mga mamamayan – mga bayaning dapat idambana at parangalan!

Kasabay ng pagdiriwang ng Tsina ngayong araw ng "Ika-3 Araw ng mga Manggagamot," nais kong i-alay ang hamak na artikulong ito sa mga manggagawang medikal ng Pilipinas at Tsina bilang pagpupugay sa kanilang ipinakita at ipinakikitang giting, determinasyon, pagpupunyagi at kahanga-hangang kontribusyon upang maipagsanggalang ang kalusugan at buhay ng mga Pilipino at Tsino.

Mga kuwento ng determinasyon, pagpupunyagi at kabayanihan

Bagamat hindi ko mailalagay sa artikulong ito ang bawat kuwento ng libu-libong magigiting na manggagawang medikal, nais kong ibahagi ang isang kuwentong Tsino at isang kuwentong Pinoy, bilang pagbubunyi sa kanilang kabayanihan at sakripisyo.

Maraming manggagawang medikal mula sa Peoples Liberation Army (PLA) ang na-i-deploy sa lunsod Wuhan noong kasagsagan ng pananalasa ng COVID-19 sa Tsina.

Si Lu Zhijie, Direktor ng Department of Anesthesiology sa Third Affiliated Hospital of Naval Medical University ay isa sa mahigit 4,000 naipadala sa naturang lunsod.

Aniya, dahil sa paglala ng situwasyon sa lunsod Wuhan noong panahong iyon, hiniling niya sa kanyang mga opisyal na agad siyang ipadala dahil malaki ang kanyang maitutulong sa pagsasalba ng buhay.

Nang dumating sa Wuhan, halos 30 pasyenteng nasa kritikal na kondisyon ang ginamot ni Lu sa halos 2 buwan niyang pagkakatalaga sa lunsod.

Ang buong karanasan aniya ay nakakadurog ng puso.

"Lahat ng pasyente ay nagtataglay ng nakakahawang virus. Sa paglalagay ng aparato sa paghinga, kailangan naming lumapit ng mga 10 sentimetro sa kanila. Isa ito sa mga pagsubok na kinaharap namin. Pero, noong mga panahong iyon, hindi namin masyadong inaalintana ang panganib ng pagkahawa, dahil ang nasa isip namin ay pagsasalba ng buhay ng pasyente," kuwento ng matapang na si Lu.

Ngayong nakabalik na siya sa normal na buhay sa Beijing, nakaatang sa kanyang mga balikat ang pagtuturo sa mga estudyanteng gustong tumulad sa kanyang kabayanihan.

"Ako ay isang manggagamot, pero higit sa lahat, ako ay isang kawal na nakahandang mag-alay ng sakripisyo at buhay sa oras ng pangangailangan," matatag niyang saad.

Sa kabilang dako, isang doktor sa bayan ng Bambang, Nueva Ecija ang patuloy na nagpupunyagi upang maipagsanggalang ang mga lokal na residente laban sa COVID-19.

Bilang doktor ng komunidad, nasa balikat ni Dr. Anthony Cortez ang responsibilidad ng pangangalaga sa libu-libong residente ng bayan sa pamamagitan ng contact tracing, kuwaretina, at paggamit ng tsismis o bali-balita.

Sa pamamagitan ng mga paraang ito, mabisang nalalaman kung sino ang posibleng nahawahan at magagamot ang posibleng nagkasakit.

Malaki ang tiwala ng mga lokal na residente kay Dr. Cortez na isa ring taga-bayan.

Sa harap ng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, makikita ang mahabang linya ng mga pasyente sa labas ng kanyang klinika.

Magkagayunman, binibigyang priyoridad ng doktor ang mga nakakatanda, lalo na ang mga nanggaling pa sa malalayong barangay.

Ang mga doktor ng komunidad na gaya ni Dr. Cortez ay hindi masyadong nabibigyan ng puwang sa mga nasyonal na media, pero, ang kanilang papel sa pagsasanggalang sa mga mamamayan laban sa COVID-19 ay lubhang napakahalaga.

Aniya, kung hindi makokontrol ng mga doktor ng komunidad ang pandemiya, malaki ang suliraninig kakaharapin ng mga intensive care unit at malalaking ospital sa Manila.

Dahil sa mga hakbang na iniimplementa ni Dr. Cortez, ang bayan ng Bambang ay nasa General Community Quarantine (GCQ), na hindi masyadong mahigpit kumpara sa ibang mga hakbang na iniimplimenta sa ibang lugar ng bansa.

Magkagayunman, mataas na pag-iingat, at mahigpit na hakbang sa pagkuwarentina ang ipinapatupad sa bayan.

Lahat ng gustong magpunta sa bayan ay kailangang sumailalim sa 14 na araw na kuwarentina.

Pangangalaga ng pamahalaan sa mga manggagawang medikal

Kaugnay ng sakripisyo at kabayanihang ipinakita at patuloy na ipinakikita ng mga manggawang medikal sa harap ng pandemiya ng COVID-19, isinabatas kamakailan ng National Peoples Congress (NPC), pinakamataas na organong pambatas ng Tsina ang unang pundamental at komprehensibong batas sa basic medical and health care, na nagka-epekto, June 1, 2020.

Ipinagbabawal ng nasabing batas ang pananakit na pisikal o pananakit sa dignidad, at pananakot ng anumang organisasyon o indibiduwal sa mga manggagawang medikal.

Anang batas, kailangang panatilihin ang maharmonyang pakikitungo, irespeto at pangalagaan ng buong lipunan ang mga manggagawang medikal.

Kaugnay nito, ini-atas kamakailan ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang napapanahong paglalabas ng mga subsidiya at allowance ng mga frontline medical personnel at pagpapanatili ng mga bakasyon sa ilalim ng kanilang karapatan. 

Samantala, sa Pilipinas, inisyu kamakailan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado ang Budget Circular No. 2020-4 na nagtataas sa minimum na sahod ng mga nars ng gobyerno sa Salary Grade 15 mula sa Salary Grade 11.

Ayon sa kautusan, ang nasabing pagtaas ng sahod ay epektibo, sa lalong madaling panahon.

Dahil dito, ang suweldo ng mga nars ay maitataas sa ranggong P32,053-P34,801 mula sa ranggong P22,316-P24,391 kada buwan.

Ayon sa DBM, 6,627 nars ng gobyerno ang mabebenepisyuhan ng naturang pagtaas ng suweldo.

Ang nasabing hakbang ay dumating matapos ilabas ni Pangulong Rdorigo Duterte ang Proklamasyon Bilang 976, na nagdedeklara sa taong 2020 bilang taon ng Manggagawang Medikal ng Pilipinas.

Bukod dito, isinisugrado rin ng pamahalaang Pilipino, na mayroong sapat na kagamitang pamproteksyon ang mga frontliner na patuloy na nakikipaglaban sa COVID-19.

Magkasamang pakikibaka ng mga manggagawang medikal ng Pilipinas at Tsina

Alinsunod sa kahilingan ng pamahalaang Pilipino, matatandaang dumating sa Pilipinas, Abril 5, 2020 ang grupo ng ekspertong medikal ng Tsina na kinabibilangan ng 12 espesyalistang doktor sa mga larangang gaya ng respiratory, intensive care, hospital infection control, nursing, integration of traditional Chinese and Western medicine, at microbiological testing.

Maliban sa dalang laksan-laksang medikal na suplay na ipinamigay sa ibat-ibang ospital at lugar sa Pilipinas, ibinahagi rin ng mga ekspertong Tsino sa mga Pilipinong doktor ang kanilang karanasan sa pagsusuri, panggagamot, at epektibong paraan ng pag-iwas, at pagkontrol sa COVID-19.

Dumalaw rin sila sa ibat-ibang ospital sa Metro Manila at karatig na lugar upang ituro kung paano isaayos ang mga bahagi ng ospital na paglalagakan sa mga nagkakasakit, tamang prosidyur sa panggagamot, at marami pang iba.

Nauna rito, noong Marso 24, sa pamamagitan ng online na plataporma, ibinahagi ng mga ekspertong medikal ng lalawigang Zhejiang ng Tsina ang kanilang karanasan sa panggagamot sa lunsod Wuhan sa mga doktor ng Chinese General Hospital and Medical Center ng Pilipinas.

Samantala, bilang pasasalamat at pagkatig sa malaking sakripisyo ng mga medical front liners ng Pilipinas sa paglaban sa COVID-19, isang milyong Piso at ilang Personal Protective Equipment (PPE) ang ibinigay, Agosto 14, 2020 ng Embahadang Tsino sa Pilipinas.

Dagdag pa riyan, dumating sa Manila, noong ika-7 ng Agosto ang ika-3 batch ng 50 ventilator na ibinigay ng pamahalaang Tsino sa Pilipinas.

Ito rin ang huling batch na kabilang sa 130 ventilator na libreng ipinagkaloob ng Tsina sa bansa.

Ipinahayag ng panig Tsino ang pag-asang agarang maipamimigay ng pamahalaang Pilipino ang mga ito sa iba't ibang institusyong medikal ng bansa sa lalong madaling panahon para makatulong sa paglaban ng mga mamamayang Pilipino sa epidemiya ng COVID-19.

Bilang pagpupugay sa mga tauhang medikal na nagbuwis at nagbubuwis ng buhay, pawis para sa kalusugan at kaligtasan ng mga tao, hayaan po ninyo akong magpahayag ng munting panawagan: sundin po sana natin ang mga protokol na gaya ng social distancing, madalas na paghuhugas ng kamay, pagtakip sa bibig tuwing uubo, at iba pa.

Ito ay para sa ikabubuti ng karamihan at inyong sarili.

Artikulo: Rhio Zablan

Source:

https://news.cgtn.com/news/3145544e31514464776c6d636a4e6e62684a4856/index.html

https://www.chinadailyhk.com/article/126713

https://filipino.cri.cn/301/2020/08/13/103s168693.htm

https://news.cgtn.com/news/2019-12-28/China-adopts-new-law-to-promote-basic- medical-and-health-care-MMTuwXHDdC/index.html

https://www.nationalgeographic.com/history/2020/07/how-single-doctor-fights-covid-19-reaching-his-rural-town-philippines/

https://opinion.inquirer.net/131968/year-of-filipino-health-workers

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>