Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Filipino at katutubong wika ng Pilipinas, mainam na panlaban sa pandemiya: wika at kulturang Pilipino, batsilyer na kurso sa 3 unibersidad ng Tsina

(GMT+08:00) 2020-08-12 14:43:13       CRI
"Ang hindi magmahal sa sariling wika, daig pa ang hayop at malansang isda."

Ito ang kilalang kasabihang binitiwan ng "Dakilang Malayo" na si Doktor Jose P. Rizal.

Noong ako ay nasa elementarya pa, madalas kong marinig sa radyo at mabasa sa mga aklat ang kasabihang ito; at taun-taon, tuwing "Buwan ng Wika," ito'y binigbigyang diin sa mga palabas pangkulturang gaya ng pagtula, pagsasadula, pagkanta, at pagsasayaw.

Iyon ang mga panahon kung kailan, ang mga katutubong wikang tulad ng Kapampangan, Ilokano, Pangasinense, Cebuano, Ilonggo, Waray, Hiligaynon, Maguindanao, Tausug, Zambal at marami pang iba ay sabay na umusbong kasama ang pambansang wika na Filipino.

Ngayong Agosto ay Buwan ng Wika, pero, di-tulad noong ako ay bata pa, wala na ang makukulay at masasayang palatuntunang nagpapakita ng mayamang katutubong wika at kultura ng ibat-ibang pamayanan ng Pilipinas, bagkus, isang mahirap na pakikipagdigma ang kinakaharap ngayon ng bansa, at ito ay may dalawang prontera: ang isa ay laban sa nakamamatay na virus, na lumamon at patuloy pang lumalamon sa buhay ng daan-daang Pilipino, at ang isa pa ay ang unti-unting pagkamatay ng mga katutubong wika ng ating mga ninuno.

Pero, mahirap man ang daraanan, mayroon pa ring paraan upang mapagtagumpayan ang mga hamon kung tayo ay MAGBABAYANIHAN

Hinggil dito, sa ilalim ng temang "Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika: Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemiya," inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pagdiriwang sa buwang ito.

Ang nasabing tema ay nakasentro sa halaga ng Filipino at mga katutubong wika sa bansa bilang mabisang sandata sa pakikidigma laban sa pandemiya.

Layon nitong himukin ang BAYANIHAN ng sambayanan upang masugpo ang patuloy na paglaganap ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga impormasyon o pabatid-publiko na nasa Filipino at mga katutubong wika.

Ayon sa KWF, ang pagresolba sa pandemiyang dinaranas ng buong mundo ay hindi lamang nakasalalay sa pagdiskubre ng "bakuna"— malaking papel ang ginagampanan ng kamalayan ng bawat tao ukol sa virus, [at sa pamamagitan ng] tamang impormasyon, magkakaroon ng kolektibong hakbang para sa prebensiyon ng nakamamatay na sakit.

Dagdag pa ng KWF, sa pamamagitan ng epektibo at madaling-maintindihan na pabatid at iba pang uri ng komunikasyon sa katutubong wika, mas maipakakalat ng pamahalaang Pilipino ang mga pagpapaunawa tungkol sa COVID-19 sa lahat ng antas ng lipunan.

Sa pamamagitan nito, mas madaling ma-i-ipon ang kolektibong lakas ng sambayanan tungo sa epektibong BAYANIHAN.

"Ang pagsandig sa wikang sinasalita ng isang pamayanan ay higit na epektibo hindi lamang sa paghahatid ng impormasyon sa bawat mamamayan kundi sa pag-aalis din ng takot o istigma dahil nagagawang pag-usapan ang pandemiya sa mga wikang komportable ang mamamayan," anang komisyon.

Bakit kailangan ang Maka-Filipinong BAYANIHAN?

Ayon sa KWF, ang BAYANIHAN ay tatak Filipino na malawakang nauunawaan at nagpapatatag sa mga lokal na komunidad sa buong bansa.

Ito ay pagbabantayog sa kahalagahan ng paggamit ng Filipino at katutubong wika sa pagpapalaganap ng impormasyon sa panahon ng pag-iral ng kuwarentena.

"Maging sa Cebu o buong Kabisayaan hanggang Mindanao ay malaganap na ginagamit ang BAYANIHAN sa mga kampanya kontra COVID-19. Pagpupugay rin ito sa mga frontliners na itinuturing nating BAYANI sa panahong ito," dagdag pa ng KWF.

Bilang paunang inisyatiba ng Kagawaran ng Kalusugan, malawakang isinasalin sa mga katutubong wika sa bansa ang mga bagay na mahalagang mabatid ng publiko ukol sa COVID-19.

Ito rin ang itinatagubilin ng Senate Bill No. 1539 (Language Accessibility of Public Information on Disasters Act) na isinusulong ni Sen. Manuel "Lito" M. Lapid upang higit na mapalakas ang mga pagsisikap na pahalagahan ang Filipino at mga katutubong wika ng pamayanan dahil madali at mabilis nitong naitatawid ang mensahe ng pamahalaan tungo sa komunidad.

Anang KWF, ang pag-unawa ng publiko upang makaiwas sa virus ay isang mainam na paunang gamot, at ang gamot ay nasa wikang nauunawaan.

Anito pa, anumang anunsiyo sa anyo ng impograpiko na naglalaman ng mga tagubiling pangkalusugan gaya ng regular na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng maskara, pag-iwas sa matataong lugar, pagdistansiya sa isat-isa, at mga tanong at sagot ukol sa COVID-19 ay mawawalang saysay kung hindi ito ganap na nauunawaan ng publiko.

Kaya naman, walang dudang mainam na maipapalaganap ng Filipino at mga lokal na wika ang mga impormasyon kaugnay ng pagbibigay-proteksiyon sa sarili at sa kapuwa mula sa mikrobyo, tirahan ng mikrobyo, pinagmumulan ng mikrobyo, paraan ng paglipat ng mikrobyo, pinapasukan ng mikrobyo, at tong maaaring mahawahan ng COVID-19, dagad pa ng komisyon.

Gayundin sa aspekto ng pagbibigay-linaw sa mga patakaran ng pamahalaan gaya ng ECQ, GCQ, MGCQ, atbp, mas madaling mapapawi ang takot at pangamba ng publiko kung walang sagabal sa paghahatid ng mensahe.

Sa panahon ng pandemiya, walang mayaman at mahirap, at lahat tayo ay mayroong pantay na tsansa sa pagkahawa, kaya naman, mas may laban tayo kung pantay-pantay ang akses ng sambayanan sa impormasyon.

At kung hindi tayo pagwawatak-watakin ng wika dahil sa usapin ng prestihiyo o katayuang panlipunan, mapagtatagumpayan natin ang mapaminsalang COVID-19.

Wika at Kulturang Pilipino, kurso sa mga unibersidad ng Tsina

Ang wika ay itinuturing na tulay ng komunikasyon ng iba't ibang kultura.

Ang pag-aaral ng wika ay mahalagang simula at paunang pasubali para sa pagkakaunawa at pakikipagkaibigan sa kulturang banyaga.

Alam ba ninyong matagal nang pinag-aaralan ang wika at kulturang Filipino sa Tsina bilang isang ganap na kurso?

Binuksan noong 1985 ang kursong Araling Filipino at Kulturang Pilipino sa Unibersidad ng Peking (PKU), lunsod ng Beijing, kabisera ng Tsina, at hanggang 2018, 7 batch na ang nakapagtapos sa kursong ito.

Ilan sa kanila ay propesor na mismo sa PKU o BeiDa, mamamahayag sa ilang malalaking media, at iba pang prestihiyosong unibersidad na pang-wika sa Tsina.

Sa aking panayam kina Dr. Ato (Shi Yang), Direktor at Propesor ng Department of Southeast Asian Studies at Dr. Cathy (Huang Yi), Direktor at Propesor ng Department of Philippine Studies ng BeiDa, sinabi nilang maliban sa pagtuturo ng wika at kulturang Pilipino, mayroon din silang kooperasyon sa Ateneo De Manila University (ADMU).

Sa pamamagitan nito, nakakapunta at nakakapanatili anila ang mga Tsinong mag-aaral sa Pilipinas upang mas lalong lumalim ang kanilang kaalaman tungkol sa wika, kultura at kagawiang Pilipino sa kontemporaryong panahon.

Samantala, dahil sa pagsisikap nina Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Xi Jinping ng Tsina, bumalik sa tamang landas ang relasyong Filipino-Sino, at dahil diyan, maraming pag-unlad ang nangyari at nangyayari sa ibat-ibang larangan na kinabibilangan ng ekonomiya, paglaban sa terorismo, kooperasyong pandagat, edukasyon, kultura, palakasan at marami pang iba.

Kaugnay nito, binuksan noong 2017 sa Beijing Foreign Studies University (BFSU o BeiWai) sa Beijing, at Yunnan Minzu University sa Probinsyang Yunan ang kursong Araling Pilipino.

Sina Delia (Huo Ran) at Alex (Xu Hanyi) ang mga propesor ng kursong Araling Pilipino sa BeiWai.

Silang dalawa ay nabibilang sa ika-5 batch na nagtapos sa BeiDa noong 2010.

Sa ilalim ng kanilang pamumuno, nahuhubog ang kaalaman ng mga estudyanteng Tsino tungkol sa wika at kulturang Pilipino.

Katulad sa BeiDa, mayroon ding kooperasyon ang BeiWai sa ADMU, at mula Agosto hanggang Disyembre 2019, 14 na estudyanteng Tsino ang nakapag-aral sa Pilipinas.

Si Binibining Lisa (Wang Yu) naman na nabibilang sa ika-6 na batch na nagtapos sa BeiDa noong 2014 ang siyang guro ng kursong Araling Pilipino sa Yunnan Minzu University.

Kagaya sa BeiDa at BeiWai, mayroongg kooperasyon ang Yunnan Minzu University sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Mula Hulyo 2019, hanggang Abril, 2020, 9 na estudyanteng Tsino ang nakapag-aral sa UP.

Kapuwa nakatakdang magtapos sa 2021 ang unang batch ng mga mag-aaral sa BeiWai at Yunnan Minzu University.

Ulat: Rhio Zablan
Larawan: KWF

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>