|
||||||||
|
||
Katatapos pa lamang ng 5 araw na pagdalaw ni Xi Jinping, Pangalawang Pangulo ng Tsina, sa Estados Unidos (E.U.). Sa kanyang pananatili doon, malawak na nakipagtagpo si Xi sa mga Amerikano mula sa iba't ibang sector, hindi lamang sa mga mataas na opisiyal at kilalang negosyante, kundi rin sa mga karaniwang Amerikano sa Muscatine, Iowa State, na tumanggap sa kanya sa kauna-unahang pagkakataon noong 1985.
Kung walang magaganap na di-inaasahang bagay, si Ginoong Xi ang magiging lider ng bansang Tsina at Partido Komunista ng Tsina (CPC) sa loob ng darating na 10 taon. Siya ang mamumuno sa bansang ito tungo sa ibayo pang pag-unlad. Kaya, para sa E.U., mahalagang malalimang maunawaan ang estilo at ideya ni Ginoong Xi sa mga suliranin na gaya ng kabuhayan, negosyo, at mga isyung panrehiyon. Para kay Xi, ito ang magandang pagkakataon para ipakita ang sariling estilo at malinaw na ihatid ang paninindigan ng Tsina sa mga may kinalamang kapakanan at isyu; halimbawa, ang isyu ng Tibet at Taiwan, pambansang katiwasayan, at pagluwag ng limitasyon ng pagluluwas sa Tsina.
Oval Office Meeting
Kaugnay ng opisyal na pagdalaw ni Xi, lubos na pinahahalagahan ito ng E.U. Kahit si Xi ay Pangalawang Pangulo pa lamang ng bansang Tsina, ang reception protocol ay pareho sa Pangulo ng isang bansa, gaya ng red carpet, Oval Office meeting, at 19-gun salute sa Pentagon. Ganumpaman, hindi iniwaksi ng panig Amerikano ang mga hidwaan at problema sa pagitan ng dalawang bansa. Sa Oval Office Meeting, sinabi ni Pangulong Barack Obama ng E.U. na dapat isabalikat ng bansang Tsina ang mas maraming responsibilidad sa paggarantiya ng balenseng kalakalan ng dalawang bansa, at pagsulong ng progreso ng kaparatang pantao.
Pagdalaw ni Ginoong Xi sa Pentagon
VP Xi Jinping ng Tsina, kasama si VP Joseph Biden ng E.U.
Si Ginoong Xi naman ay nagpakita ng sariling estilo sa panig Amerikano, hindi lamang sa pamamahala ng gobyerno, kundi sa mga karaniwang tao rin. Halimbawa, bumalik siya sa tahanan ng mga karaniwang Amerikano, kung saan, siya ay bumisita noong 1985, nanood siya ng NBA Games, at bumisita sa mga bukirin. Ito ay lubos na nagpapakita na siya ay bukas, pleksibile, mabait, at matapat.
Si Ginoong Xi Jinping, kasama ang mga Amerikano na tumanggap sa kanya sa kauna-unahang pagkakataon noong 1985
Kauna-unahang pagdalaw ni Ginoong Xi sa Muscatine, Iowa, noong 1985
(Si Xi ay nasa likod, ika-2 sa kanan)
Bago lumisan ng E.U., nanood si Ginoong Xi ng NBA Games
Maliban dito, maliwanag na isinapubliko ni Xi ang paninindigan ng Tsina sa mga isyu na nakatawag ng malawak na pansin sa E.U., gaya ng karapatang pantao, RMB exchange rate, at komersyo.
Kaugnay ng isyu ng karapatang pantao, sinabi ni Xi na dahil sa malaking populasyon at pagkakaiba sa iba't ibang lugar ng Tsina, kinakaharap ng kanyang bansa ang mga hamon sa isyung ito. Pero, nitong ilampung taong nakalipas, natamo ng Tsina ang kapansing-pansing progreso sa usaping ito. Sa hinaharap aniya, batay sa aktuwal na pambansang kalagayan, patuloy na igigiit ng bansang Tsina ang patakarang put people first at ganap na pasusulungin ang pagkakapantay-pantay, katarungan, at harmonya ng lipunan.
Kaugnay ng isyu ng RMB exchange rate at komersyo, sinabi ni Xi na isinasagawa ng panig Tsino ang mga aktuwal na hakbangin para malutas ang mga lehitimong kahilingan ng panig Amerikano sa isyung ito. Patuloy pa rin aniyang pasusulungin ang RMB exchange rate system. Sinabi pa ni Xi, na ang pamumuhunan ng mga bahay-kalakal ng Tsina sa E.U. ay nagkakaloob ng mga pagkakataon ng trabaho, at umaasa siyang paluluwagin ng E.U. ang limitasyon ng pagluluwas ng mga paninda sa Tsina para mapaliit ang trade deficit sa pagitan ng dalawang bansa.
Aniya, kahit may mga Amerikanong pumupuna sa patakarang pangkabuhayan ng Tsina at kahit sa palagay nilang ito ang sanhi ng mga problema ng kabuhayan ng E.U., sa katotohanan, ang Tsina ay ang ika-2 pinakamalaking trade partner ng E.U. at ika-3 pinakamalaking pamilihang nagluluwas. Noong 2011, ang kabuuang bolyum ng pagluluwas ng E.U. sa Tsina ay umabot sa 104 bilyong dolyares. Bukod dito, ang Tsina ay bansang may pinakamalaking national bond ng E.U.
Sa katotohanan, ang relasyong Sino-Amerikano, relasyon sa pagitan ng una at ika-2 pinakamalaking ekonomiya sa daigdig, ay nagsisilbing isa sa mga pinakamahalagang diplomatikong relasyon sa buong mundo. Kaya, kung magaganap ang digmaang pangkabuhayan sa pagitan ng Tsina at E.U,. walang duda, ito ay magdudulot ng isang grabeng kapahamakan, hindi lamang para sa dalawang bansa, kundi para sa buong daigdig.
Sa mga lider ng Tsina at CPC, mayroong ilan na nag-aral sa mga kanluranin bansa: halimbawa, nag-aral minsan sina Zhou Enlai at Deng Xiaoping sa Pransiya. Kumpara sa ibang lider na lumaki sa loob ng bansa lamang, mas bukas sila at madaling tumanggap sa mga dayuhang bagay. Kasabay nito, mayroon din silang magandang impresyon sa mga bansa na pinuntahan nila. Sa kaso ni Ginoong Xi, hindi naman naapekthan ang kanyang paniniwala sa buhay at paninidigan ng kanyang pagdalaw sa E.U. noong 1985, pero batay sa katatapos niyang pagdalaw, ipinakita ni Xi na siya ay bukas at matapat, pero iginiit niya ang prinsipyo sa mga isyung may hidwaan ang Tsina at E.U.
Tulad ng sinabi ni Xi hinggil sa relasyong Sino-Amerikano, kailangan ng dalawang bansa ang mutuwal na unawaan at estratehikong pagtitiwalaan. Masasabing ang pagdalaw ni Xi sa E.U. ay magandang simula ng relasyong Sino-Amerikano sa loob ng darating na 10 taon.
Back to Ernest's Blog
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |