|
||||||||
|
||
Nabigo ang paglulunsad ng Hilagang Korea ng satellite noong ika-13 ng Abril, at kumpara sa dalawang beses nitong paglulunsad ng satellite noong 1998 at 2009, agarang inamin ng Korean Central News Agency (KCNA), pambansang ahensya sa pagbabalita ng Hilagang Korea, ang pagkabigo, sa halip na igiit ang tagumpay ng paglulunsad. Ito ay taliwas sa mga pangyayari noong 1998 at 2009, kung saan iginiit ng H. Korea na sila ay naglunsad ng satellite, pero, walang sinumang bansa ang nakakita nito sa itinakdang orbita sa kalawakan.
Inamin ng pambansang TV station ng Hilagang Korea ang pagkabigo sa paglulunsad ng satellite.
Kahit nabigo ang naturang paglulunsad, mukhang maayos ang lahat sa loob ng Hilagang Korea. Nang araw ring iyon, nahalal si Kim Jong-un, bilang unang kalihim ng National Defense Commission, ibig-sabihin, siya ang tunay na nagkokontrol ng kataas-taasang kapangyarihan ng bansang ito.
Bukod dito, dumalo mismo si Kim Jong-un sa seremonya ng pag-aalis ng tabing ng tansong estatuwa nina Kim Il-sung, at Kim Jong-il, lolo at tatay ng batang lider, at unang dalawang pinakamataas na lider ng bansang ito. Ang seremonya ay idinaos sa sentro ng Pyongyang at nanood ang halos 100 libong residente ng Pyongyang at mga dayuhang mamamahayag na nag-ulat ng paglulunsad ng satellite.
Tansong estatuwa nina Kim Il-sung, at Kim Jong-il, unang dalawang pinakamataas na lider ng Hilagang Korea.
Sa katotohanan, ang pagkabigo ng Hilagang Korea sa paglulunsad ng satellite ay nagpaluwag ng tensyon sa ibang mga bansa na gaya ng Timog Korea, Hapon at Estaods Unidos (E.U.). Dahil kung matagumpay ang paglulunsad, ibig-sabihin, makakarating ang sandatang nuklear ng Hilagang Korea sa anumang lugar ng Timog Korea at Hapon, maski sa kanlurang baybay-dagat ng E.U. Kung ganoon, lalala nang malaki ang kasalukuyang kalagayan sa Korean Peninsula, at malamang magdulot ito ng bagong round ng paligsahan sa armas sa Hilagang Silangang Asya. Ito rin ay malaking kapinsalaan sa proseso ng walang nuklear na Korean Peninsula, at sa kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito.
Sa Seoul, Timog Korea, nanood ang mga tao ng pag-ulat hinggil sa paglulunsad ng satellite ng Hilagang Korea
Sa totoo lang, ang pagkabigo sa paglulunsad ng satellite ay isang karaniwang pangyayari. Halimbawa, ang E.U., Rusya, Tsina, at ibang mga bansa na eksperto na sa teknolohiya ng paglulunsad ng satellite ay nakitaan na rin ng mga insidente ng pagkabigo sa paglulunsad.
Para sa Hilagang Korea, kahit nabigo ang naturang paglulunsad, nagkaroon pa rin sila ng karanasan hinggil dito. Sa ibang dako, para sa Hilagang Korea, isang ekstrimistang bansa, mas mahalaga ang tagumpay sa kaisipan, dahil mahirap ang pamumuhay ng mga mamamayan. Kaya sa insidenteng ito, matagumpay ang Hilagang Korea sa pagpapakita ng kanilang umano'y kagitingan at katatagang-loob sa pagharap sa pagtutol ng komunidad ng daigdig.
Nahalal si Kim Jong-un, bilang unang kalihim ng National Defense Commission ng Hilagang Korea.
Para sa mga bansa na gaya ng Timog Korea, Hapon, at E.U., dahil ang mga piraso ng rocket ng Hilagang Korea ay bumagsak sa dagat, ito ay isang magandang pagkakataon para mas malalimang malaman ang tunay na kakayahan ng Hilagang Korea sa paglulunsad ng rocket, higit pa sa long-range missile na teknolohiya. Para sa naturang mga bansa, hindi alam nila ang tunay na kakayahan ng Hilagang Korea sa rocket at sandatang nuklear. Kaya, madali nilang ikinatatakot ang pagsubok ng Hilagang Korea sa larangang ito.
Pero para sa Tsina, ang aksyon ng Hilagang Korea ay isang malaking hamon para sa diplomasiya at pandaigdigang responsibilidad. Pagkatapos ng paglulunsad ng Hilagang Korea, ipinahayag ni Liu Weimin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang pag-asa sa iba't ibang may kinalamang panig na magtimpi at lutasin ang mga isyu sa pamamagitan ng diyalogo at pag-uugnayan.
Bilang bansang nagkaloob ng pinakamalaking tulong ng pagkaing-butil sa Hilagang Korea at pangunahing trade partner ng bansang ito, ang Tsina ay itinuturing na dapat magpatingkad ng mas malaking impluwensiya sa Hilagang Korea at isakatuparan ang mas maraming responsibilidad sa isyung nuklear sa Korean Peninsula.
Pero, ang katotohanan ay hindi masyadong mahigpit ang relasyong diplmatiko ng Tsina at Hilagang Korea, kumpara sa komersyo at ibang aktuwal na benepisyo. Bago ang ika-9 na dekada ng nagdaang siglo, ang Hilagang Korea ay tapat na nakababatang kapatid ng Unyong Sobyet, pero ang Tsina at E.U. ay mahigpit na nagtulungan para tugunan ang preyuer ng Unyong Sobyet noong panahon ng Cold War.
Sa kabilang dako, malaki ang pagkakaiba ng Tsina at Hilagang Korea sa teorya ng sosyalismo. Para sa Hilagang Korea, ang Tsina ay umuunlad patungo sa mga kanluraning bansa, pero para sa Tsina, ang sistemang pulitikal ng Hilagang Korea ay parang isang piyudal na bansa. Ang ganitong pagkakaiba sa kaisipan at kultura ay mahirap na mapawi sa mga aktuwal na benebisyo at komersyo.
Back to Ernest's Blog
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |