|
||||||||
|
||
Nananatili pa rin ang komprontasyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas sa katubigan ng Huangyan Island o Scarborough Shoal, magmula noong 10 ng Abril. Kahit pinaninindigan ng dalawang bansa ang maayos at mapayapang paglutas ng isyung ito, hindi pa rin lumilitaw ang landas patungo sa naturang target.
Sa kasalukuyan, ang mga ginagawa ng dalawang bansa ay unilateral na pagpapatalastas ng kapangyarihan sa naturang teritoryo, paghaharap ng katibay sa nasabing kapangyarihan, pagpapakita ng katapatan at kakayahan sa pangangalaga sa teritoryo, at paghahanap ng umano'y tulong mula sa ibang bansa. Kung gusto talaga ng dalawang bansa na lutasin ang isyung ito sa maayos at mapayapang paraan, dapat direktang magsagawa ang dalawang panig ng talastasan at diyalogo, sa halip na unilateral na aksyon lamang.
Si Yang Jiechi, Ministrong Panlabas ng Tsina
Para sa Pilipinas, nagpadala ito kamakailan ng bapor na pandigma at ilang bangkang pang-isda sa Huangyan Island. Bukod pa rito, nagpatalastas din ang Pilipinas na ihaharap ang isyung ito sa hukuman ng United Nations Convention on the Law of the Sea, pati na ang pagkakalat ng balitang umano'y "Panganib ang Tsina sa ibang mga bansa."
Si Kalihim Del Rosario ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas
Para naman sa bansang Tsina, matindi nitong tinututulan ang ganitong pananalita at aksyon ng Pilipinas, at inulit din nito ang sariling paninindigan. Pero, liban sa mga hakbangin na kinabibilangan ng paglalabas ng pahayag mula sa Ministring Panlabas, at paglikas ng mga bapor mula sa Huangyan Island, wala pang mga bagong hakbangin ang Tsina para mapasulong ang paglutas ng isyung ito.
Sa katotohanan, tensyonado ang kalagayan sa Huangyan Island, dahil sa mabigat na paggigiit ng dalawang bansa ng sariling posisyon sa naturang isyu. Ang isang malaking negatibong epekto nito ay ang paglabas ng tsimis na magaganap di-umano ang sagupaan ng dalawang bansa sa lugar na ito, dahil nagpahayag na ang panig militar ng dalawang bansa ng katapatan sa pangangalaga sa teritoryo ng bansa.
Bukod pa riyan, mayroon ding mga di-pagkakaunawaan ang Tsina at Pilipinas sa isyung ito. Noong ika-26 ng Abril, ipinaliwanag ni Kalihim Del Rosario ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, na tatlong beses na silang nagpulong ni Chinese Ambassador Ma Keqing, subalit, wala pa rin silang napagkasunduan. Pinabulaanan din ni Kalihim Del Rosario ang paghiling naman ng Pilipinas sa mga bansang ASEAN na direktang makialam sa isyung ito.
Kasabay nito, noong ika-25 ng Abril ay nagpadala ng Note Verbale ang Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas kay Ambassador Ma na nagpapahayag ng pagkabahala sa mga lumalabas na balita.
Ang isa pang kahirapan sa paglutas ng isyung ito ay, hanggang ngayon, wala pa ring embahador ang Pilipinas sa Tsina. Sinabi ni Kalihim Del Rosario na masusi pa nilang pinag-aaralan kung sino ang hihiranging embahador ng Pilipinas sa Tsina, dahil itinakwil na ni Ginoong Domingo Lee ang kanyang nominasyon matapos ang tatlong beses na pagtanggi sa kanya ng Commission on Appointments.
Dahil sa mga dahilang nabanggit, dapat isagawa ng Tsina at Pilipinas ang direktang diyalogo o pag-uugnayan, para malutas ang isyung ito. Halimbawa, maaring mag-uusap ang mga ministrong panlabas ng dalawang bansa, o di kaya ay ipapadala ang mga mataas na opisiyal o mga namamahalang tauhan sa isyung ito para isagawa ang direktang talastasan o diyalogo. Sa isang dako, sa pamamaraang ito, maiiwasan ang mga di-pagkakaunawaan at mga tsismis sa pagitan ng dalawang bansa, ito rin ay makakatulong sa pagpapahupa ng komprontasyon ng dalawang bansa at magpapasulong sa paglutas ng isyung ito sa maayos at mapayapang paraan sa hinaharap.
Back to Ernest's Blog
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |