|
||||||||
|
||
Kamakailan, nakatawag ng pansin sa loob at labas na bansa ang People's Daily, pahayagan ng Partido Komunista ng Tsina (CPC). Ito ay sanhi ng balitang inilabas sa website ng People's Daily, na nagsasabing si Kim Jong-Un, batang lider ng Hilagang Korea, ay napili bilang 2012 "Sexist Man Alive."
Sa katotohanan, ang balitang ito ay mula sa The Onion, isang satirikong website ng Estados Unidos. Sa kasalukuyan, kinansela na ng website ng People's Daily ang nasabing balita. Totoo man o hindi ang nasabing balita hinggil kay Kim, bihirang makita ang ganitong uri ng pabirong balita sa mga pambansang media ng Tsina.
Kaugnayan ng People's Daily at website nito
Sa katotohanan, ang nasabing balita ay inilathala lamang sa website, at hindi sa dyaro. Magkaiba talaga ang tungkulin ng website at dyaryo ng People's Daily.
Tulad ng alam ng lahat, ang People's Daily ay opisyal na pahayagan ng CPC. Ito rin ang pinakamalaking dyaryo sa Tsina, na may pinakamalaking impluwensya at awtoridad sa mga pahayagan sa loob ng bansa.
Ang pangunahing tungkulin nito ay pag-uulat ng mga patakaran, teorya, at paninindigan ng CPC, at pamahalaang sentral sa mga mamamayang Tsino at ibang mga bansa sa daigdig. Ito ang itinuturing na boses ng CPC at pamahalaang Tsino.
Ang website nito na www.people.com.cn ay isang komprehensibong web media, ang pangunahing gawain ay magsiwalat ng balita. Sa katotohanan, ito rin ay isang listed company na nagsasariling tumatakbo batay sa prinsipyo ng kredibilidad sa publiko.
Ibig-sabihin, liban sa mga balitang may kinalaman sa nukleong interes at lihim na impormasyon ng bansa, nagsasarili ang pagtakbo ng dyaryo at website ng People's Daily.
Seryoso ba o pang-aliwan ang estilo ng mga balita?
Sa Weibo, social media ng Tsina, na tulad ng Facebook at Twitter, lumitaw ang mga litrato at impormasyon hinggil sa pamumuhay ng mga lider pagkatapos ng trabaho. Ang naturang artikulo ay kauna-unahang pagpapalabas ng pabirong balita hinggil sa lider ng isang bansa, sa pambansang media ng Tsina.
Para sa mga media ng Tsina, ang mga balita na may kinalaman sa mga lider ay palagiang seryoso at pormal. Lagi itong tungkol sa pulitika, kabuhayan, pamumuhay ng mga mamamayan, at ibang malalaki at mahahalagang pangyayari. Ang mga pribadong impormasyon ng mga lider ay bihirang naipapalabas sa mga media. Mukhang trabaho lang ang aspeto ng buhay ng mga lider na ipinakikita sa mga media.
Sa katotohanan, bukod sa trabaho, interesado rin ang mga mamamayan sa pribadong pamumuhay ng mga lider. Halimbawa sa Taiwan, si Ma Ying-Joeu, Puno ng Pamahalaan ng Taiwan, ay napili minsan bilang pinakapopular na dream lover para sa mga babae sa Taiwan. Si Pangulong Barack Obama ng Amerika naman ay popular na popular sa mga babaeng Amerikano.
Ito ay nagpapakita ng kanilang sariling appeal na bukod sa trabaho. Para sa mga media, ito rin ang mga balita na karapat-dapat iulat.
Pagbabago at pagsubok sa pambansang media ng Tsina, tungo sa pagiging mas malaya
Kahit nagkaiba ang website at dyaryo ng People's Daily, ang pagpapalabas ng balita hinggil kay Kim ay nagpapakita ng pagbabago at pagsubok sa mga pambansang media ng Tsina patungo sa pagiging mas malaya.
Sa katotohanan, binabalak ng pamahalaang Tsino, na isagawa ang reporma sa mga website ng mga pambansang media para sarilinang tumakbo ang mga ito. Ito rin ay pagsubok at paghahanda para sa independiyenteng pagtakbo ng mga pambansang media ng Tsina.
Bukod sa website ng People's Daily, ang mga website ng pambansang media na gaya ng Xinhua News Agency at CCTV ay nagsasagawa ng reporma para maging listed companies sa loob ng darating na 2 taon.
Kung ganoon, magiging mas malaya at independiyente ang pag-uulat ng naturang mga media. Pero ang bagay na dapat munang ihanda ay pataasin ang kakayahan ng mga staff ng media para maiwasan ang mga pangyayaring kagaya ng pagpapalabas ng balita hinggil kay Kim Jong-Un, na umano'y 2012 "Sexist Man Alive."
Back To Ernest's Blog
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |