|
||||||||
|
||
ErnestChina
|
Sa proseso ng pagsasalunsod ng Tsina, ang household registration ay isang napakaimportanteng bagay na nakakaapekto sa paglaki ng populasyon ng mga residente. Ito kasi ang nagbibigay-karapatan sa mga residente ng mga lunsod, lalo na sa mga malalaking lunsod na gaya ng Beijing, Shanghai, Guangzhou, sa social security, kalusugan, edukasyon at pabahay. Ibig-sabihin, kahit nakatira ang isang tao sa lunsod, kung hindi naman siya rehistradong residente nito, hindi pa rin siya pormal na residente ng nasabing lunsod, at hindi rin siya makakapagtamasa ng parehong karapatan sa mga residente roon.
Upang mapabilis ang proseso ng pagsasalunsod ng Tsina, mukhang paluluwagin ng pamahalaan ang limitasyon sa household registration. Ayon sa ulat ng pamahalaang Tsino kamakailan, pangkalahatang aalisin ang limitasyon sa household registration sa mga maliit na lunsod, unti-unting aalisin ang mga limitasyon sa mga katamtamang lunsod at pabababain ang antas ng limitasyon sa mga malalaking lunsod. Ang mga ito ay para maayos na ilipat ang mga taga-nayon para maging residente ng mga lunsod.
Sa katotohanan, ang isyu ng household registration ay nagdudulot, hindi lamang ng di-pantay na pagbabahaginan ng mga yamang panlipunan sa pagitan ng mga lunsod at kanayunan, halimbawa, sa edukasyon, kalusugan at social security, kundi sa paglaki rin ng agwat sa pagitan ng mga malalaking lunsod at maliit na lunsod.
Sa kasalukuyan, parami nang paraming taga-nayon ang pumupunta sa mga lunsod para sa mas mainam na edukasyon at trabaho. Dahil mas mainam ang kondisyon ng edukasyon, kalusugan, social security, at pagkakataon sa trabaho sa malalaking lunsod, mas nabibighaning magpunta nito ang mga taga-nayon kaysa sa mga maliit na lunsod.
Gayunpaman, nakakahuha ang malalaking lunsod ng iba't ibang talento, at murang lakas sa paggawa, at saka madali ring napapasulong ang konsumo at kabuhayan, dulot ng pagpasok ng maraming taga-nayon. Sa ilalim ng kalagayang ito, mahirap na maakit ng mga maliit na lunsod ang mga taga-nayon at dagdag pa riyan, may kahinahunan din ang pagsulong ng kabuhayan sa maliliit na lunsod.
Kaya ayon sa nabanggit na ulat ng pamahalaang sentral, pangkalahatang aalisin ang limitasyon sa household registration sa mga maliit na lunsod. Ito ay naglalayong tulungan ang paghikayat ng mas maraming talento at murang lakas sa paggawa sa mga maliit na lunsod, para pasulungin ang pag-unlad ng kabuhayan at lipunan sa lokalidad.
Sa ibang dako, matindi talaga ang polusyon sa mga malaking lunsod dahil sa gastos ng pamumuhay ng mga residente at pagbuga ng usok mula sa mga sasakyan at pabrika. Kung ang pag-unlad ng mga maliit na lunsod ay makakahikayat ng paglipat ng mga residente mula sa mga malaking lunsod, makakatulong din ito sa pagpapahupa ng presyur sa kapaligiran ng mga malaking lunsod.
Para sa pagsasaayos ng pamahalaang Tsino sa household registration, ang paglaki ng gastusin sa mga suliraning pampubliko ng mga lunsod ay pangunahing hamon para rito. Ang naturang gastusin ay kinabibilangan, hindi lamang ng edukasyon, kalusugan, pabahay, kundi sa pagkakataon ng hanap-buhay, komunikasyon at pangangalaga sa kapaligiran. Dahil sa agwat sa pagitan ng mga malaki at maliit na lunsod, ito rin ang mag dudulot ng mas matinding hamon para sa mga maliit na lunsod kaysa mga malaking lunsod.
Sa pananaw ng lipunan, ang household registration ay may kinalaman sa pagkakapantay-pantay at katarungang panlipunan. Pero kung aktuwal na lulutasin ang isyung ito, kakaharapin ng pamahalaang Tsino ang mga hamon, hindi lamang sa lipunan, kundi sa kabuhayan at kapaligiran.
Back to Ernest's Blog
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |