|
||||||||
|
||
MPST20131225pasko.m4a
|
Pasko na! Sa apat na sulok ng mundo masaya ang pagdiriwang ng kapaskuhan. Kinamusta ng Serbisyo Filipino ang mg Pinoy dito sa Tsina at inalam kung ano ang Christmas wish ng ating mga kababayan.
Si Michelle Teope Shen ang pangulo ng Filipino Community sa Shanghai. 27 years na po syang naninirahan sa Tsina. Architect si Michelle by profession at dito na sya nagka pamilya at sa Tsina. 1980s dumating sa Beijing si Michelle matapos siyang magtapos ng kanyang kurso sa Architecture sa Amerika. Sa kasaluyan naninirahan sya sa Shanghai at aktibong aktibo sa mga charity work para sa Beacon of Love, isang non-governmental organization na tumutulong sa mga batang may sakit sa puso at nagsusulong sa kalusugan ng mga bata. Sya rin po ay isa sa mga pillars ng Filipino community at tumutulong para pagbuklurin ang mga kababayan at maging tulay sa magandang samahan ng mga Pilipinong nakatira sa Shanghai. Wish nya ay magka-isa ang mga Pilipino dito sa Tsina.
Nagiisang Pilipino naman sa BBH Network si Caroline Ong. Sa mundo ng advertising sa Shanghai matunog ang kanyang pangalan dahil isa sya sa mga multi-awarded Creative Directors ng industriya.
Sa Pilipinas, kung naaalala ninyo ang hate-late campaign ng isang pizza chain, pati ang nakakatawang commercial ng sabong pampaputi na nagpakita ng mestisang nanay at morenong baby, si Carol Ong ang nasa likod ng mga ads na ito.
Bukod sa kanyang tagumpay sa advertising industry, entrepreneur din siya at kasalukuyang pinatatakbo ang isang negosyo ng baby skin care products.
Wish ng career woman na sana mas magkaroon ng bilib sa sarili ang mga Pilipino. At bilang isang ina ipinagdadasal niya ang ligtas ng panganganak at malusog na baby.
Ang ikatlong well-wisher natin ay si Dr. Michael Ong na doctor sa Sun Tec Medical Hospital sa Shanghai. Sya ay espesyalista sa Family Medicine at bukod dito sya ay lisensyadong doktor na pwedeng magreseta ng mga malalakas na gamot sa kanyang mga pasyente.
Sa Shanghai takbuhan sya ng mga Pinoy na nangangailangan ng mabilisang medical advice. Problema ang language barrier kaya madalas syang lapitan ng mga kababayang kailangan ang tulong para lubos na maunawaan ang resulta ng kanilang mga pagsusuri.
Ibinahagi nyang minsan, isang Pinay ang humingi ng tulong dahil sa peligrosong lagay ng kanyang pagbubuntis. Sa tulong ni Doc Mike ay malinaw na naipaliwanag ang kondisyon ng pasyente at nailigtas ang kanyang buhay maging ang kanyang baby.
Sa punto de vista ng isang medical professional at OFW wish niya na nawa'y magpakatino ang pamilya ng mga OFW sa Pilipinas at isipin ang hirap na pinagdadaanan ng pamilyang nasa abroad.
Trainor at hotelier na kabilang sa 2009 Top 100 People Influencing the Chinese Hotel Industry, ito ang credentials ni Rafaela Chen. Sa loob ng 30 taon ibinahagi nya ang ang kanyang kaalaman sa mga Tsino kung paano magpatakbo ng mga hotel ayon sa international standards. Mula dekada 80 bahagi siya ng executive management na nagbukas ng 10 properties sa Tsina. Sa kasalukuyan aktibong aktibo si Rafaela Chen sa mga construction projects ng International Hoteliers and Associates. Kabilang din sya sa consulting team ng JinJiang Hotel group. Ang munting kahilingan ng corporate executive ay tugunan ng pamahalaan ang corruption sa Pilipinas.
Si Moises Sumile Jr. 25 taon nang nagtratrabaho bilang OFW si Moises. 22 years old lang sya nang simulan ang kanyang trabaho bilang entertainer. At sa Shanghai pinakamatagal siyang nanirahan. Pangulo si Moises Sumile Jr. ng Philippine Musicians Association of Shanghai. Ito'y may 200 miyembro at di matatawaran ang lakas nila lalong-lalu na sa panahon ng matinding pangangailangan. Ito'y nakita nang magsama-sama mga miyembro ng PMAS at isinagawa ang isang music festival bilang pagsidiriwang ng kanilang 6th anniversary at naging venue na rin ito para sa isang fund raising event para sa mga biktima ni Yolanda. Ang resulta … kalahating milyong pisong donasyon para sa GMA Kapuso Foundation na gagamitin para sa pagtulong sa mga masalanta ng super typhoon. Bilang isang long time entertainer at lider ng mga musikero sa Tsina hangad niyang maayos ang gusot sa pagitan ng Tsina at Pilipinas.
Last but not least makakasama natin sa programa ang Consul General ng Shanghai na si Charles Jose. Sa Beijing nagsimula ang kanyang career bilang diplomatic. Naipadala sa Chongqing para maging Consul General at ngayon siya ay nanunungkulan sa Shanghai. Sa lawak ng ugnayan sa maraming larangan sa Shanghai mahalaga ang posisyon nya. Ang natatanging Christmas wish nya bilang public servant at opisyal ng Pilipinas ay sana malagpasan ng Pinas ang lahat ng pagsubok at sana mabigyan ng guidance at wisdom ang pinuno na tahakin ang tamang posisyon at tamang policies para sa mamamayan ng bansa.
Malayo man sa Pilipinas di nawawala ang diwa sa Pasko sa ating mga kababayang nandito sa Tsina. Bagamat di sing engrande ang pagdiriwang, di nababawasan ang saya na dala ng kapaskuhan.
Sa ngalan ng lahat ng bumubuo ng CRI Serbisyo Filipino, Maligayang Pasko po sa inyong lahat.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |