|
||||||||
|
||
Ayon sa pahayagang "Global Times" ng Tsina, isang 18 taong gulang na batang lalaki mula sa bayan ng Sindangan, Zamboanga Del Norte, Pilipinas ang nakasungkit ng titulong "Pinakamaliit na Tao sa Buong Mundo."
Isang anak ng panday, si Junrey Balawing ay huminto sa kanyang paglaki noong sanggol pa lamang siya, at noong nakaraang Linggo, ipinagdiwang niya ang kanyang ika-18 taong kaarawan, kasabay ng paggawad sa kanya ng naturang titulo ng Guinness Book of World Record.
Si Junrey ay may tangkad lamang na 59.93 sentimetro o halos 24 pulgada at siya ang pinakamatanda sa apat na magkakapatid na may normal na laki.
Ayon kay Craig Glenday, Editor-in-Chief ng Guinness Book of World Record, "siya (Junrey) ang opisyal ngayong pinakamaliit na tao sa buong mundo." Ipinahayag ito ni Glenday habang sinusukat ang tangkad ni Junrey sa harap ng mga nagbubunying kamag-anakan at kababaryo.
Sinabi pa ni Glenday na ang nakaraang may hawak ng titulong ito ay si Khagendra Thapa Magar ng bansang Nepal, na may taas namang 66 sentimetro o halos 26 na pulgada.
Sinabi ng ama ni Junrey, na sa puso niya, matibay ang kanyang paniniwala na espesyal ang kanyang anak.
Ayon naman sa tiyuhin ni Junrey na si Paulino Empag, na isang kapitan ng barangay, itinuturing siyang espesyal at "lucky charm" ng buong barangay, at lagi nilang pinangangalagaan ang kanyang kapakanan.
"Talagang napaka-espesyal niya. Nahihirapan siyang tumayo at magsalita, pero itinuturing namin siyang "kaloob ng Langit," sabi ni Paulino.
Pagkatapos ng seremonya ng opisyal na paggagawad ng titulo, ang pamilya ni Junrey ay naghanda ng isang simpleng salu-salo para sa kaarawan ng kanilang "lucky charm."
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |