|
||||||||
|
||
Alam kong marami na sa atin ang nakababatid sa Tian'anmen Square. Kapag sinabing Tsina, ang unang pumapasok ng karamihan sa atin ay ang Great Wall of China, at siyempre, Tian'anmen Square, kung saan makikita ang malaking litrato ng lider na si Chairman Mao Zedong. Pero, ano nga ba ang katuturan ng Tian'anmen Square, ano nga ba ang matatagpuan dito, at bakit ba ito naging isa sa mga simbolo ng Tsina? Iyan po ang aking tinangkang sagutin nang magpunta ako doon kamakalawa.
Halos isang taon na rin ako rito sa Tsina at lagi kong nakikita ang Tian'anmen Square tuwing ako ay sumasakay ng subway. Subalit, madalas ko man itong makita, hindi ko pa talaga ito napapasyalan ng husto at lagi kong nakikita na napakaraming tao ang nagpupunta rito araw-araw. Kaya, muli, bitbit ang aking kamera at kasama si Pareng Ernest, sumugod kami sa Tian'anmen Square upang mangalap ng kuwento at litrato ukol dito.
Ayon sa Wikipedia ang Tiananmen Square ay isang malaking patio sa sentro ng Beijing. Ito ay ipinangalan sa Tian'anmen Gate na ang ibig sabihin ay Gate of Heavenly Peace na nasa gawing hilaga ng Forbiden City, at siya ring tarangkahan nito. Ang Tian'anmen Square ay ang ikatlong pinakamalaking patio sa buong mundo na may kabuuang sukat na 440,000 metro kuwadrado o 880meters by 500meters.
Ito ay ginawa noong panahon ng Dinastiyang Ming bilang pormal na lagusan ng Tsina at sumailalim sa maraming rekonstruksyon noong panahon ng Dinastiyang Qing at noong dekada 50, sa ilalim ng pamumuno ni Chairman Mao Zedong.
Sa gawing timog na hangganan ng Tian'anmen Square ay itinayo ang Monumento ng mga Bayani ng Bayan o Monument of the People's Heroes na bahagi ng Sampung Dakilang Gusali o Ten Great Buildings na ginawa noong taong 1958 hanggang 1959 bilang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina (PROC).
Ang Pambansang Museo naman ng Tsina ay matatagpuan sa gawing silangan ng patio.
Noong taong 1976, taon kung kailan namatay si Mao Zedong, isang musoleyo ang itinayo sa gawing likuran ng Monumento ng mga Bayani ng Bayan.
Sa may kanlurang bahagi naman ng patio ay matatagpuan ang Great Hall of the People, ito ang bulawagan kung saan ginaganap ang pagtanggap sa mga panauhing lider ng Tsina mula sa ibang bansa at nagsisilbi ring lugar kung saan idinaraos ang Kongresong Bayan ng Tsina at iba pang malalaking pulong.
Ang Tian'anmen Square siya ring lugar kung saan idinaos ang ibat ibang makasaysayang kaganapang pampulitika ng Tsina, kagaya ng May 4th Movement noong 1919, proklamasyon ng PROC ni Mao Zedong noong Oktubre 1, 1949, at marami pang ibang malalaking kaganapan sa kasaysayan ng bansang Tsina.
Pareng Ernest sa Tian'anmen Square
Ako sa Tian'anmen Square, Sntro ng Beijing
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |