|
||||||||
|
||
melo/20130627.m4a
|
Pangulong Aquino, lumiham kay Pangulong Xi Jinping sa ngalan ng isang Pilipinang bilanggo
MAY LIHAM NA SI PANGULONG AQUINO PANGULONG XI JINPING. Ang panawagan ay mula sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas. Ito ang binanggit ni Asst. Secretary Raul Hernandez sa isang pahayag. (File Photo ni Melo Acuna)
LUMIHAM na si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa ngalan ng isang 35 taong gulang na Pilipinang napatunayang nagkasala ng pagpupuslit ng higit sa anim na kilong heroina (6.198 kilos) ng Supreme People's Court kahapon.
Ayon kay Foreign Affairs Asst. Secretary Raul Hernandez, kinatigan ng Supreme People's Court ang naunang desisyon ng isang hukuman. Maaaring ipatupad ang parusa anumang araw mula ngayon hanggang sa ikalawang araw ng Hulyo.
Nadakip siya noong Enero ng taong 2011 sa isang paliparang pandaigdig matapos makita ang heorina sa kanyang bagahe. Nadakip siya kasama ang isang Pilipino na may dala ring higit sa anim na kilong heroina (6.171 kilos) sa kanyang maleta.
Ayon kay G. Hernandez, naibigay naman ang lahat ng kaukulang tulong sa Pilipina at tiniyak na nabantayan ang kanyang mga karapatan mula ng siya'y madakip hanggang sa paglilitis.
Nagkaroon siya ng kanyang tagapagtanggol sa lahat ng paglilitis, mula sa Intermediate People's Court hanggang sa Applellate Court.
Hiniling ni Pangulong Aquino na ibaba sa hatol na pagkakabilanggo ng habangbuhay ang parusa mula sa death penalty.
Ang liham ay ipinadala ngayon sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing at ng Embahada ng Tsina sa Maynila.
Nasabihan na rin ang pamilya ng nahatulan. Hiniling na pamilya na igalang ang kanilang privacy sa panahon ng kagipitan. Isinasaayos na ang kanilang mga dokumento upang makarating man lamang sa Tsina sa pinakamadaling panahon upang makasama ang kanilang mahal sa buhay sa huling pagkakataon.
Patuloy ang ginagawang representasyon ng Pilipinas sa Pamahalan ng Tsina sa lahat ng antas at magawa ang lahat ng paraang legal upang huwag nang matuloy ang parusang kamatayan sa mga Pilipinong nasa Tsina.
Hanggang ngayong Hunyo, mayroong 213 drug-related cases na kinasasangkutan ng mga Pilipino sa Tsina. Dalawampu't walo sa mga ito ang nakatakdang gawaran ng parusang kamatayan subalit nakatanggap ng reprieve na tatagal ng dalawang taon. Kabilang sa nakinabang ang isang lalaking nabanggit kanina. Animnapu't pito ang nahatulang mabilanggo ng habang-buhay, may 107 ang mabibilanggo samantalang sampung iba pa ang nililitis sa mga hukuman.
Iginagalang ng Pilipinas ang mga batas ng Tsina at ang hatol ng Supreme People's Court sa usaping ito. Matatag din ang paninindigan ng Pilipinas sa illegal na droga at nakikipagtulungan sa iba't ibang law enforcement agencies sa Tsina at iba pang mga bansa upang mapigil ang drug trafficking.
Nanawagang muli si Asst. Secretary Hernandez sa mga Pilipinong huwag pumayag na masangkot sa drug trafficking at higit sa lahat, maging maingat sa pakikipag-usap sa mga banyagang hindi kilala sa mga paliparan at iba pang pinagsasamahan ng mga naglalakbay. Nararapat ding tumulong ang media sa pagsugpo sa salot na dulot ng illegal na droga, dagdag pa ni G. Hernandez.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |