|
||||||||
|
||
Philippine Red Cross, nakatuon ang pansin sa Hilagang Luzon
VOLUNTEERS, MALAKING TULONG SA KALAMIDAD. Ibinababa ang mga damit at pagkaing mula sa Philippine Red Cross at mga volunteer groups sa Bagong Silangan Elementary School sa Quezon City.
GUMANDA na ang kalagayan ng Metro Manila ngayong Miyerkoles. Nagkataong walang pasok ang lahat dahilan sa paggunita sa pagkamatay ni dating Senador Benigno S. Aquino noong 1983.
Nagkaroon ng operasyon ang mga bangko upang maglagay ng salapi sa kanilang mga automated teller machines ng pakinabangan ng mga mamamayan.
Sa isang panayam, sinabi ni Bb. Gwendolyn Pang, Secretary General ng Philippine Red Cross na nakapaglagay na sila ng relief goods sa kanlurang Luzon na kasalukuyang tinatamaan ng habagat.
Ani Bb. Pang, nababahala siya sa kalagayan ng mga mamamayan sa Bataan at maging sa Pampanga. May relief goods na sila sa Zambales, La Union at maging sa Ilocos Sur at Ilocos Norte. Handa rin ang kanilang rescue and relief personnel upang sumabak sa pagliligtas ng mga mamamayan.
Idinagdag pa niya na hindi naman nakakabahala ang casualty rate ngayon sapagkat anim ang nabalitang nasawi, tatlo ang nawawala dahilan sa pagbaha.
Sapagkat taon-taon na lamang ay dumadalao ang Philippine Red Cross at ang pamahalaan sa mga nasasalanta ng bagyo at baha at iba pang kalamidad, sinabi ni Bb. Pang na kailangan ng pamahalaang magkaroon ng malawakang master plan upang mabatid ang mga pangangailangan ng mga mamamayan at paghandaan ang mga ito. Nararapat ding tulungan ng pamahalaang matulungan ng mga mamamayan ang kanilang mga sarili.
Sa oras na magkaroon ng maayos na paghahanda, higit na mababawasan ang gastos sa mga biktima ng trahedyang magaganap sa Pilipinas, dagdag pa ni Bb. Pang.
Nakapanayam si Bb. Pang sa isang relief distribution event sa Barangay Bagong Silangan sa Lungsod ng Quezon. Dumalo rin ang artistang si Angel Locsin sa pamamahagi ng relief goods.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |