|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Maritime piracy, malaking problema para sa Pilipinas
NANANATILING malaking problema para sa Pilipinas ang maritime piracy. Ito ang sinabi ni Kalihim Albert F. Del Rosario ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas sa 3rd High Level Public – Private Counter-Piracy Conference na idinaos sa United Arab Emirates kamakalawa at kahapon.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni G. del Rosario na ang Pilipinas ang pinakamalaking nai-aambag sa bilang ng mga magdaragat sa buong daigdig mula pa noong 1987 at bilang flag-state registry para sa mga ocean-going vessels.
Idinagdag pa ni G. del Rosario na ang Pilipinas ang "vessel-manning capital of the world" sa pag-aambag ng 25% ng buong bilang ng mga magdaragat kaya't napakalaking posibilidad na mabibiktima ang mga magdaragat na Pilipino sa bawat piracy incident.
Nabatid na mula noong 2006, may 826 na Pilipinong magdaragat ang na-hostage ng mga piratang mula sa Somalia. Sa pagtatapos ng pamimirata sa baybay-dagat ng Somalia, limang magdaragat na Pilipino na lamang ang nabibihag. May 118 mga barkong rehistrado sa Pilipinas na naglalakbay sa buong daigdig at 90% sa mga ito ang dumaraan sa baybayin ng Somalia.
SUmailalim na ang mga magdaragat sa piracy awareness seminars bago pa man ipinadala sa mga kumpanya batay sa kautusan ng Philippine Overseas Employment Administration. Mayroon na ring kautusan ang MARINA tungkol sa pagkuha ng mga armadong tauhan na magbabantay sa mga barkong mula sa Pilipinas sa mga tinaguriang "high-risk zones."
Nanawagan si Kalihim del Rosario sa mga may-ari ng mga barko na magbahagi ng impormasyon sa kalagayan ng mga magdaragat na nabibihag ng mga pirate. Malaking bagay ito sa pamilya ng mga magdaragat. Hindi pa rin nalulutas ang mga pagkakataong ininiwanan ng may-ari ng barko ang lahat ng mga pananagutan at ang mga tauhan sa bingit ng alanganin.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |