|
||||||||
|
||
Ang dambuhalang Buddha ng Leshan
Nakatirik ang dambuhalang Buddha ng Leshan sa tugatog ng Qiyingfeng sa silangang paanan ng Bundok Emei ng lunsod Leshan. Inukit iyon sa kahabaan ng daang-bundok ng Lingyunshan. Nakaharap sa lugar na pinagtatagpuan ng mga ilog Minjian, Ilog Daduhe at Ilog Qingyijiang. Maringal ang pagkakagawa nito. Bagamat dumanas ng paghampas ng hangin at hamog sa nakaraang libu-libong taon, matiwasay pa rin itong nakaupo sa babay ng rumaragasang Ilog Minjiang. Tinatawag din itong Dambuhalang Buddha sa Lingyun.
Ang estatuwa ng Buddha na nakaukit sa gilid ng bundok at tabi ng ilog ang siyang pinakamalaking batong estatuwang nakaukit sa bangin na nananatili pa ngayon sa daigdig, at siya ring pinakamalaking batong estatuwa ni Buddha Maitreya sa daigdig. Dahil dito'y sinasabing: "ang bundok ay Buddha at ang Buddha ay bundok". Nakaharap ito sa kanluran, mukhang mahinahon, solemna at maringal. Pitumpu't isang (71) metro ang buong taas nito: ito ang pinakamataas na Buddha sa daigdig. Labing-apat punto pitong (14.7) metro ang haba ng ulo ng Buddha, 10 metro ang lapad, samantalang 24 na metro ang lapad ng balikat. Pitong (7) metro ang haba ng tainga; puwedeng magkasabay na tumayo sa loob niyon ang dalawa katao. Walo punto limang (8.5) metro ang lapad ng bubong ng paa; na puwedeng pag-upuan ng mahigit 100 katao.
Mahusay ang pagkakaukit ng estatuwa ng Buddha. Tamang-tama ang proporsyon ng katawan, at kahanga-hanga ang pagkakagawa, nagpapakita ito ng maringal na kalagayan ng kultura ng Dinastiyang Tang. Noong unang panahon ang dambuhalang Buddha ng Leshan ay tinatawag na higanteng Estatuwa ni Maitreya o higanteng Buddha sa Jaiding. Ginawa ito ng kilalang monghe sa templo ng Lingyun na si Haitong, noong taong 713 ng Tang Dynasty. Nagkakatagpo noon sa lugar na ito ang 3 ilog: ang Ilog Minjiang, Ilog Dadu at Ilog Qingyi. Dumadaloy naman ang tubig diretso sa paanan ng bundok Lingyun, at di-mahahadlangan ang rumaragasang tubig. Ang mga dumaraang sasakyang pandagat ay madalas na nabubunggo sa dalisdis at nawawasak. Di-mapakali si Haitong nang makita niya ang nangyayari, kaya naisip niyang mag-ukit sa bundok ng malaking Buddha sa layuning mapabagal ang pagdaloy ng tubig habang inihuhulog sa ilog ang mga malalaking bato at madaig ang daloy ng tubig sa pamamagitan ng puwersa ng Buddha. Nangalap ng salapi si Haitong sa loob ng 20 taon. Nilapitan si Haitong ng isang opisyal sa lokalidad; at ito ay humingi ng suhol, pero galit na binatikos ni Haitong ang opisyal na iyon. Aniya, maaaring dukutin at ibigay ko sa iyo ang sarili kong mata, pero hindi mo makukuha ang yaman ng Buddha. Dinukit nga niya ang sariling mata at inilagay sa bandeha, saka iniabot sa naturang opisyal. Pagkamatay ni Haitong, isang opisyal militar sa kanluran ng Sichuan na nagngangalang Weigao ang nangalap ng mga artisano upang ipagpatuloy ang paglilok ng Buddha, nagbigay din ng tulong na salapi ang imperyal na pamahalaan mula sa natipong buwis. Tumagal ng 90 taon bago natapos ang pag-ukit ng dambuhalang Buddha. Sa dalawang pader na kinaluluklukan ng Buddha ay mayroon pang mahigit sa 90 batong estatuwa ng Dinastiyang Tang. Ilan din sa mga iyo'y napakahusay ang pagkakagawa.
Ang Bundok Emei at ang Dambuhalang Buddha ng Leshan ay nailakip sa talaan ng pamanang pandaigdig sa Ika-20 Sesyon ng Komite ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong Disyembre ng l996. Karamihan sa mga halaman sa Bundok Emei ay pambihirang klase, at mayroon ding subtropikal na kagubatan. Kilala rin ang mga pambihirang hayop gaya ng muntingpanda, vanessa (isang klase ng paru-paro) at iba pa.
Ang susunod naman nating ikukuwento ay hinggil sa Zhoukoudian--dating tirahan ng Peking Man.
Ang Zhoukoudian ay nasa bundok Longgu, dakong hilagang kanluran ng Zhoukoudian, sa distrito ng Fangshan, lunsod Beijing. Ito ang dating tirahan ng Peking Man, ang malayong ninuno ng nasyong Tsino. Ito rin ang may pinakamasaganang materyal at pinakasistematikong relikya ng sangkatauhan, sa maagang yugto ng Stone Age. Ang fossil ng mga hayop mula sa unang panahon ay ginagamit bilang gamot ng mga Tsino. Dahil dito, tinawag ito ng mga medikong Tsino na "longgu" o buto ng dragon, kaya tinawag ring bundok Longgu ang maliit na bundok na ito. Noong dekada 20, nahukay rito ang ilang fossil ng "Peking Man", kaya napabantog sa mundo ang bundok Longgu.
Noong mga taong 1921, 1923 at 1927 ay sunud-sunod na natuklasan ang tatlong fossil teeth o ngipin ng tao sa guhong yungib ng "Peking Man", kaya pinanganlanan ito ng sirkulo ng arkeolohiya bilang "China Ape Man, Peking Species". Noong 1929, sa isang paghuhukay na pinamahalaan ng scholar na Tsinong si Pei Wen Zhong, natuklasan ang kauna-unahang buong bungo ng Peking Man pati mga kasangkapang batong yari sa kamay at mga labi ng paggamit ng apoy. Ito'y nagbigay ng matibay na pundasyon sa pagkabuhay ng Peking Man. Ang pagkakatuklas na ito'y gumulat sa buong mundo at nagpasulong sa kasaysayan ng pananaliksik ng paleontropolohiya.
Ang kapal ng lupa sa yungib ng "Peking Man" ay umabot sa mahigit 40 metro. Ayon sa mga ebidensyang pangkultura at siyentipikong pagpapasiya, nabuo iyon, humigit-kumulang sa 700,000 hanggang 230,000 taong nakalilipas, samantalang ang "Peking Man" ay nanirahan doon sa pagitan ng 700,000 at 200,000 taong nakalipas. Medyo primitibo ang katangian ng ulo ng "Peking Man" pero may malinaw nang katangian ng kasalukuyang Mongoloid. Ang kanilang pagkain ay nanggagaling, pangunahin na, sa pangangaso at pamimitas ng halaman at prutas: ang Peking Man ay marunong na ring magluto ng karne at gumamit ng apoy.
Ang pagkakatuklas ng "Peking Man" ay naglatag ng pundasyon sa pananaliksik ng paleontropolohiya ng Tsina. Ang ang guho ng Peking Man sa Zhoukoudian ay naging isang lugar na pangkulturang bantog sa daigdig. Noong 1933, sa isang yungib sa ituktok ng bundok Longgu, nakatuklas muli ng mga fossil na pinanganlang "taong yungib sa ituktok ng bundok." Ang mga ito ay nabuhay, may 18,000 taon na ang nakalipas. Samanatala, ang ngipin ng "bagong taong yungib" na natuklasan noong 1973 sa hilagang silangan ng bundok Longgu ay may fossil ng Peking Man at ng taong yungib sa ituktok ng bundok na nabuhay, 100,000 taon ang nakararaan. Ito'y nagpapakita ng pagpapatuloy at pag-unlad ng Peking Man.
Noong 1937, dahil sa digmaan sa Tsina na ibinusod ng imperyalistang Hapones, napilitang itigil ang mga paghuhukay sa guho ng yungib ng Peking Man, samantalang ang lahat ng ispesimeng fossil ng "Peking Man" at ng "taong yungib sa ituktok ng bundok" na natuklasan sapul noong 1927 ay napasakamay ng mga Amerikano, bago at pagkatapos sumiklab ng digmaan sa Asya-Pasipiko noong 1941. Hanggang ngayo'y hindi matukoy ang kinaroroonan ng mga iyon.
Pagkatapos maitatag ang bagong Tsina, pinanumbalik ang paghuhukay sa guho ng "Peking Man" at sa bawat paghuhukay ay nakakuha ng maraming fossil. Hanggang noong 1966 ay nakahukay na ng 6 na bungo, 15 panga, 157 ngipin at maraming buto ng braso't paa: halos kumakatawan ito sa 40 Peking Man. Liban dito'y nakatuklas pa ng mahigit 100,000 kasangkapang yari sa bato, buto at sungay, at mga bakas ng paggamit ng apoy, pati iba pang bagay na arkeolohikal. Ang lahat ng ito'y nagbigay ng batayan sa mga pananaliksik ng maagang ebolusyong biyolohikal at pag-unlad ng maagang kultura ng sangkatauhan.
Noong 1987, ang guhong paleontropolohikal at kultural sa Zhoukoudian ay pinili ng UNESCO bilang pamanang pangkultura ng daigdig. Ito'y panlahatang kayamanan ng buong sangkatauhan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |