|
||||||||
|
||
Palatuntunan ng Pilipinas para sa mga migranteng manggagawa, susuriin ng United Nations
PAGBABALIK-ARALAN at susuriin ng isang komite sa United Nations sa Geneva ang nagawa ng Pilipinas upang mapangalagaan ang kalagayan ng mga migranteng manggagawa. Idaraos ang pagsusuri sa Geneva, Switzerland mula ikatlo hanggang ika-apat ng Abril.
Pangangasiwaan ng Committee on the Protection of the Rights of all Migrant Workers and Their Families ang mga isyu kasama ang isang delegasyon mula sa Pamahalaan ng Pilipinas at pakikinggan din ang mga kinatawan ng Non-Government Organizations.
Kabilang sa mga isyu ang proteksyon ng mga manggagawang Pilipino na kinabibilangan ng tulong sa mga biktima ng kafalah o sponsorship system sa Gulf countries of employment, ang pagpapaprehistro ng mga anak ng migranteng Pilipino sa ibang bansa, papel ng recruitment agencies, mekanismo upang mapagbawalan ang mga ahensya sa paniningil ng labis sa mga manggagawa at pagiging tulay ng mga abusadong banyagang recruiter, progresong natamo sa pagpapalakas ng reintegration ng mga nagbabalik na mga manggagawa at mga paraan upang matugunan ang kawalan ng trabaho sa loob ng bansa.
Paksa rin ang kalagayan ng mga migranteng manggagawa sa loob ng Pilipinas tulad ng pang-aabuso sa mga migranteng kababaihan lalo't higit sa sex tourism, karapatan ng migrant workers na lumahok sa mga isyu ng bansa, mga hakbang upang maiwasan ang pang-aabuso sa mga migranteng kabataan mula sa puwersahang pagtatrabaho, sexual exploitation at pang-aabuso at mga paraan upang mapigilan ang trafficking-in-persons.
Kabilang ang Pilipinas sa 47 bansang kalahok sa International Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of their Families. Ang state parties tulad ng Pilipinas ay kailangang magsumite ng regular reports sa Komite na binubuo ng 14 na international independent human rights experts.
Gagawin ang talakayan sa Palais Wilson sa Geneva.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |