|
||||||||
|
||
melo
|
MINADALI ANG PAGBUO NG BANGSAMORO BASIC LAW. Naniniwala si dating Interior and Local Government Secretary Rafael M. Alunan III na tapat ang pamahalaang magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao, Ang problema nga lamang ay tila nagkulang sa complete staff work sapagkat minadali ang pagbalangakas ng batas sa Bangsamoro. (Areopagus Photo)
Sa panig ni Commodore Robles, mahalagang balikan ang mga nakalipas na pakikipag-usap ng pamahalaan, tulad halimbawa ng naganap na pakikipagpasundo sa Moro National Liberation Front sapagkat maraming aral na matututuhan. Binanggit din niya na unang nakita niya ang pagkilos ng mga batang kasapi ng Moro National Liberation Front matapos sabihin ng pamahalaan na "spent force" na ang grupong pinamunuan ni Professor Nur Misuari.
Nagkataon lamang na matatanda ang kumilos na maaaring napondohan ng 'di pa malamang grupo upang maghasik ng lagim sa Zamboanga City. Binanggit din ni Commodore Robles na ang mga kumilos at pumasok sa Zamboanga ay nagparamdam lamang sa mga nagbigay ng pondo na nagawa na nila ang inaasahan at masayang naibulsa na ang salapi.
NARARAPAT MAY TAONG NAKABABATID NG TUNAY NA LARAWAN SA MGA KOMUNIDAD. Sinabi ni Commodore Rex Robles, isa sa mga nagtatag ng Reform the Armed Forces Movement, na bagama't magagaling ang mula sa academe na bumuo ng peace panel, mas magandang mayroon ding nakakaalam ng tunay na larawan sa mga komunidad. Kailangan din ang intelligence ng AFP at PNP upang magkaroon ng maliwanag na larawan. (Areopagus Photo)
Binanggit naman ni Secretary Alunan na nabuo ang Moro Islamic Liberation Front sa ilalim ni Chairman Hashim Salamat ng makipag-usap ang grupo ni Professor Misuari sa pamahalaan. Idinagdag pa ni G. Alunan na mayroong tatlong grupo sa loob ng Moro Islamic Liberation Front na nag-aabang sa kahihinatnan ng Bangsamoro Basic Law.
Idinagdag pa ni G. Alunan ang isa sa mga kinahinatnan ng peace agreement sa MNLF ang pagpasok ng may 7,500 MNLF integrees sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police. Ang isa sa mga matagumpay na halimbawa ay ang pagpasok sa AFP ni Yusop Jikiri na naging deputy commander ng AFP Southern Command at nahalal na gobernador ng Sulu.
Sinabi naman ni Atty. Anna Basman, pinuno ng legal team ng GPH panel na nakikipag-usap sa MILF na hindi umano interesado ang mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front na maging bahagi ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at Philippine National Police. Ang payo ng liderato ng MILF ay kung may interesadong maging bahagi ng AFP at PNP ay kailangang dumaan sa proseso at matiyak na sila'y kwalipikado.
GINAWA NG MAGKABILANG-PANIG ANG LAHAT. Nanindigan si Atty. Anna Basman, pinuno ng legal team ng GPH na nakipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front na pinagpunyagian ng Bangsamoro Transition Commission ang pagbuo ng Bangsamoro Basic Law. Maraming benepisyong maidudulot ang pagpapasa ng BBL sa Kongreso, dagdag pa ni Atty. Basman. (Areopagus Photo)
Niliwanag ni Commodore Robles na bagama't walang masama sa mga nagmula sa academe sa koponan ng pamahalaan ng Pilipinas, mas makabubuting mayroong nagmula sa mga nakakakilala sa mga rebelde, sa mga opisyal ng pamahalaang lokal at sa mga nakababatid ng nagaganap sa mga komunidad.
Samantala, sinabi ni Atty. Basman na ginawa ng magkabilang panig ang lahat upang maging malawakan ang maging biyaya para sa mga mamamayan ng Mindanao. Hindi man napapaloob sa Bangsamoro Basic Law ang detalyes ng pagsasalong ng mga sandata, mayroong napapaloob sa annex on normalization na masusing pinag-usapan ng magkabilang panig.
Hindi umaasa sina G. Alunan at Commodore Robles na magiging madali ang pagpapasa nito sa Kongreso bagama't pinanindigan ni Atty. Basman na may pangako ang dalawang kapulungan na maipapasa nila ang panukalang batas sa tama at takdang panahon.
Sa palatuntunan, binanggit ni Commodore Robles na madalas may mga tinatawagan si Pangulong Ramos sa oras na may problema sa seguridad sa Mindanao at nalulutas kaagad. Hindi nga lamang umano natatanong si Pangulong Ramos kung sino ang kanyang tinatawagan. Ayon kay Secretary Alunan, direktang tumatawag sa Pangulong Ramos kay Moammar Qaddafy ng Libya sa oras na may kidnapping sa Mindanao. Karaniwang tinatawagan ni Colonel Qaddafy si Professor Misuari na nag-uutos na kanyang military chief na si Yusop Jikiri (na lutasin ang problema).
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |