|
||||||||
|
||
20150706 Melo Acuna
|
ANG sinumang mahalal na pangulo ng bansa ay nararapat nakababatid ng mga suliranin upang masimulan agad ang paglutas sa mga ito.
Nagkaisa ang mga panauhin sa Ikalawang Taong Anibersaryo ng "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga sa isyung ito. Ani Albay Governor Jose Sarte Salceda, isang malaking hamon para sa bansa ang pagkakaroon ng ika-13 puwesto sa daigdig sa dami ng mga mamamayan subalit na sa 132 puwesto naman kung uri ng kabuhayan ang pag-uusapan.
Para kay dating Secretary Rafael M. Alunan III, dapat alam na ng manunungkulang opisyal ng pamahalaan ay alam ang kanyang gagawin sa unang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan. Wala umanong oras na dapat sayangin sapagkat malaki ang problema ng bayan.
Sinabi naman ni Arsobispo Oscar V. Cruz na isang malaking hamon ang nararapat sagutin ng pamahalaang Aquino sa pagsusulong nito ng Bangsamoro Basic Law sapagkat anuman ang mangyari, sa maipasa o hindi ang panukalang batas, tiyak na magkakagulo sa Mindanao.
Ipinaliwanag naman ni Bishop Broderick Pabillo ng Public Affairs Office ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, na ipaubaya na lamang sa susunod na administrasyon ang pagpapasa ng BBL upang higit itong masuri at mapag-aralan. Kailangang magkaroon ng transparency sa mga talakayan at maisama ang iba't ibang sektor ng lipunan.
Naniniwala naman si Governor Salceda na kailangan na ang Bangsamoro Basic Law sapagkat ito na ang pagkakataon ng pamahalaang maituwid ang mga pagkukulang sa paglipas ng panahon sa Mindanao. Pagkakataon na ng mga Bangsamoro na mabigyan ng puwang upang patakbuhin ang kanilang sariling pamahalaan.
Dumalo rin si Undersecretary Jonas Leones ng Department of Environment and Natural Resources at nagsabing mahalagang pagtuunan ng pansin ang kapaligiran sapagkat nanganganib ang bansa sa mga hamong dala ng climate change. Kailangang masuri ang mga pangangailangan ng bansa at ng mga mamamayan na apektado ng pagbabago sa panahon.
Ipinangako rin niya sa pagkakaroon ng mina sa bansa, kailangang mabalanse ang mga regulasyon upang mapanatili ang maayos at ligtas na kapaligiran sa salaping malilikom sa industriya ng pagmimina.
Sa puntong ito, sinabi ni Governor Salceda na sa laki ng kinikita ng mga minahan tulad ng ginawa ng Lafayette sa Albay, pawang mumo lamang ang ibinayad sa pamahalaang-lokal. One-sided umano ang mga regulasyon at pumapabor sa mga may minahan.
Ayon kay dating Department of Transportation and Communications Assistant Secretary Alberto Suansing, lubhang mabagal ang pagkilos ng pamahalaan sa pagsusulong ng mass transport.
Hindi na maunawaan ng mamamayan ang pagkabalam ng mga pag-aaral sa iba't ibang proyekto kaya't hindi naipatutupad. Binanggit niya ang mga plaka at lisensya ng mga nagmamaneho
Para sa susunod na pangulo, ani Governor Salceda, mahalagang may pagmamahal ang mga mamamayan sa pinuno ng bansa samantalang kailangan ang pagkakaroon ng pagmamahal ng isang pangulo sa mga mamamayan ng republika.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |