|
||||||||
|
||
20150817 Melo Acuna
|
NANAWAGAN sina Dr. Jay Jayme at Gng. Maite Gallego sa Kagawaran ng Kalusugan na magsuri sa epekto ng mobile phones at cell sites sa kalusugan ng mga mamamayan sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga. Sinabi nilang nakagugulat ang bilang ng mga taong nagkaroon ng cancer mula ng magkaroon ng cell sites sa iba't ibang bahagi ng bansa.
KAILANGAN NG PAGSANG-AYON NG KOMUNIDAD BAGO MAGTAYO NG CELL SITES. Ito ang sinabi ni Director Edgardo Cabarios ng National Telecommunications Commission sa Tapatan sa Aristocrat. Walang maitatayong cell sites kung hindi dadaan sa mga pamahalaang lokal. Sa Pilipinas, mayroong higit sa 20,000 cell sites. Nagdududa ang mga dalubhasa na baka ito ang dahilan ng pagtaas ng bilang ng cancer sa Pilipinas. (Melo M. Acuna)
Para kay Director Edgardo Cabarios, ang Director ng Regulation Branch ng National Telecommunication Commission, hindi basta nakapagtatayo ng cell sites kung walang konsultasyon sa mga naninirahan sa mga barangay at walang pahintulot na ibibigay ang pamahalaang lokal. Idinagdag pa ni Director Cabarios na humigit kumulang sa 20,000 cell sites ang naitayo na sa buong bansa.
BINABANTAYAN NG PAMAHALAAN ANG KALUSUGAN NG MGA MAMAMAAN. Tiniyak nina Bb. Realyn Joy Uy at Annie Lorraine Joyas na may monitoring sila sa mga nagaganap sa bansa, lalo't may kinalaman sa radiation. (Melo M. Acuna)
Ipinaliwanag nina Realyn Joy Uy at Annie Lorraines Joyas, mga health physicist mula sa Kagawaran ng Kalusugan na hindi naman nakasasama ang radiation na nagmumula sa cell sites ayon sa kanilang pagsusuri.
SURIIN NG PAMAHALAAN ANG MGA MAY KARAMDAMAN AT POSIBILIDAD NA NAG-UGAT SA CELL SITES. Ayon kay Doctor Jay Jayme, isang manggagamot at kay Gng. Maite Gallego, obligasyon ng pamahalaang alamin ang posibleng pinsala ng mga kagamitan sa komunikasyon. (Melo M. Acuna)
Idinagdag pa ni Dr. Jayme na mayroong 200 mga siyentipiko ang nagkaroon ng pagsusuring nakatapo ng dagliang pagtaas ng bilang ng nagkaroon ng cerebral bio-electric activity disturbance at pagtataglay ng epilleptic seizures. Ang mga ito ay pinaniniwalaang mula sa Radio Frequency-Electro Magnetic Fields.
Bagaman, ipinaliwanag ni Director Cabarios na kahit ang cell sites ay may kataasan, mayroong radiation na pababa sa nasasakupang pook nito. Ang pinakaligtas lamang ay ang nasa paanan ng cell site.
Nakagugulat umano ang pagtaas ng bilang ng cancer victims sa bansa na maaaring dulot na lubhang paggamit ng mobile phones. Iminungkahi nina Dr. Jayme at Gng. Gallego sa madla na kung maaari ay gamitin na lamang ang speaker phone upang huwag pumasok ang radiation sa ulo.
Nanawagan din sila sa mga telecommunication companies na sabihan ang kanilang mga parokyano na maging masinop sa paggamit ng mobile phones, mas makabubuting gumamit na lamang ng text messages kaysa tumawag pa. Kung may epekto ang radiation (sa nakatatanda), higit na makasasama ito sa mga kabataan.
Ipinaliwanag din ni Dr. Jayme na isang masamang epekto nito ay ang pagkapinsala ng reproductive system ng kalalakihan at napuna ito sa pagkakadiperensya sa punlay ng kalalakihan. Isang nakakatakot na posibilidad ang pagkakaroon ng cancer sa dibdib ng mga kababaihan sa paglalagay ng mobile phones sa kanilang mga blusa at t-shirt.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |