|
||||||||
|
||
20151228 Melo Acuna
|
NASASADLAK sa kahirapan ang mga Filipino sa likod ng mga pahayag na maganda ang takbo ng ekonomiya.
Ito ang pananaw ni Arsobispo Oscar Valero Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines at Arsobispo ng Lingayen-Dagupan. Sa isang panayam, sinabi ng 81-taong-gulang na arsobispo na ang sinumang hahalili kay Pangulong Aquino ay mangangailangan lamang ng mumunting talino upang mabago ang nagaganap sa bansa.
Sinabi niyang kontra sa mga mamamayan si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III kahit pa nakikinabang ang bansa sa mga padalang salapi ng mga manggagawang Filipino mula sa iba't ibang bansa. Magugunitang umabot sa US$ 24.6 bilyon ang naipadalang salapi mula sa iba't ibang bansa noong 2014.
Nakalulungkot din umano ang sabwatan ng mga may hawak ng kaban ng bayan na naglalaan ng salapi para sa kanilang pansariling kaunlaran.
Hindi umano totoo ang sinasabing ang mamamayan mga kinikilalang amo ni Pangulong Aquino sapagkat ang kanyang pinakikinggan ay ang mga taong malalapit sa kanya na may sariling agenda.
Malayo rin umano ang "daang matuwid" sa katotohanan.
Ikinabahala ng arsobispo ang kapapasang budget para sa 2016 na nagkakahalaga ng higit sa P 3 trilyon lalo pa't ang malaking bahagi nito ay nagmumula sa mga buwis na ibinabayad ng mayayaman at mahihirap na mamamayan. Ang anumang kakulangang sa malilikom na salapi ay kukunin sa uutanging salapi sa mga ahensyang tulad ng World Bank, Asian Development Bank at International Monetary Fund.
Ikinalungkot din niya ang mga programang pinagkakakitaan ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development na may programang Conditional Cash Transfer na nababawasan dahil sa mga tiwaling tauhan ng pamahalaan.
Nakalulungkot, ayon sa arsobispo na nagbago na ang anyo ng pamahalaan sapagkat sa Pilipinas na ginagawa ang illegal drugs. Halos araw-araw na may nasasawi dahil sa walang humpay na patayan.
Sa darating na halalan, wala pa siyang napupunang bibigyan nng kanyang boto. Hinahanap niya ang isang kandidatong may integridad, katapatan at kakayahan. Mahirap umanong makita ang tatlong katangian ito sa mga karahigan kandidato.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |