|
||||||||
|
||
Special Report
Cybersex, lumalala sa Pilipinas
NAKAPANLULUMO ang kalagayan ng mga kabataang ikinakalakal ng kanilang sariling mga magulang sa pamamagitan ng internet. Ito ang sinabi ng mga panauhin sa katatapos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga.
Sinabi ni Atty. Noel Eballe ng International Justice Mission na ang pinakabatang biktima na kanilang naitala ay dalawang tayong gulang pa lamang. Sa ngayon ay mayroon silang 21 mga usapin na sinusundan sa mga hukuman. Karamihan sa mga ito ay nasa paglilitis pa lamang.
Idinagdag pa ni Atty. Eballe na karaniwang tumatagal ng mula tatlo hanggang limang taon ang usapin bago magwakas sa kaukulang hatol.
PULISYA, NAKAKATANGGAP NG ULAT MULA SA IBANG BANSA. Sinabi ni Police Supt. Ma. Ivy Castillo (may mikropono) na nakakatanggap ang kanilang opisina ng mga impormasyon sa pinagmumulan ng malalaswang larawan at pelikula na kanilang nasasamsam mula sa mga banyagang customer. Sinabi rin ni Bb. Evelyn Pingul (dulong kaliwa) ng IJM na nakatutok sila sa mga usapin pang mabigyang katarungan ang mga biktima. Nakasama rin si talakayan si Sr. Supt. Guillermo Eleazar, director ng PNP Anti-Cybercrime Group (pangalawa mula sa kaliwa) at si Supt. Jay Guillermo. (Melo M. Acuna)
Ayon kay Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, pinuno ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group na nakatatanggap sila ng referral mula sa iba't ibang tanggapan ng pulisya sa ibang bansa na nagsasabing sa Pilipinas nagmumula ang mga larawan ng mga kabataang nasasamsam nila sa mula sa kanilang mga kababayan.
Patuloy umanong lumalaki ang bilang ng mga kasong kanilang dinadaluhan sapagkat hingit na dumarami ang nakakaalam ng kanilang sistema ng paglilingkod sa mga biktima ng pang-aabuso. Noong 2013 ay umabot sa 51 at 87 noong 2014 at noong nakalipas na 2015 ay umabot sa 136 na kaso ang nakarating sa kanilang kaalaman.
Noong nakalipas na taon, mula sa 136 usapin, 80 ang walk-in o kusang dumulog sa kanilang tanggapan, samantalang noong 2014, mula sa 87 kaso, 71 naman ang nagtungo sa kanilang opisina at 16 na referral cases.
Ipinaliwanag pa ni Sr. Supt. Eleazar na noong 2013, mula sa 51 kaso, 36 ang kusang dumulog sa kanila at may 15 referred cases.
Sa oras na mabatid kung saan nagmumula ang mga larawan at pelikulang malalaswa ay nagsasagawa sila ng kaukulang pagmamatyag at humuhingi ng search warrant sa hukuman upang makapagsagawa ng panghahalughog sa pinaghihinalaang pinagmumulan ng malalaswang larawan at pelikula.
PAMILYA, MAHARAJA ANG PAPEL SA PANGANGALAGA NG KABATAAN. Ito ang sinabi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo (may mikropono) sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat"na nagtuon ng pansim sa isyu ng cybersex. Nakasama sa talakayan sina Dr. Benny Vicente, dating Director ng National Center for Mental Health (dulling kaliwa), Mrs. Ruth Limson-Marayag ng Council for the Welfare of Children (pangalawa mula sa kaliwa) at Atty. Noel Eballe (dulling kana) mula sa International Justice Mission. Kung magpapabaya ang pamilya, higit na maraming kabataan ang masasangkot sa cybersex, dagdag pa ni Bp. Pabillo. (Melo M. Acuna)
Para kay Bishop Broderick Pabillo, mahalaga ang papel na gagampanan ng mga alagad ng simbahan, maging Katoliko, Protestante o Evangelicals sapagkat kailangang matawagan ang mga pamilyang alagaan ng maayos ang kanilang mga supling.
Nagkataon na sa datos ng International Justice Mission, ang karaniwang lumalabag sa batas ay mga magulang, mga lolo at lola at iba pang mga kamag-anak sa paniniwalang wala silang ginagawang masama sapagkat pinaghuhubag lamang ang kanilang mga musmos na anak at apo ng walang physical contact.
Tumbalik na ang pinahahalagahan ng mga nakatatanda, dagdag ni Bishop Pabillo sapagkat malaki rin ang posibilidad na dala na ito ng kahirapan.
Para kay Gng. Ruth Limson-Marayag, may programa ang pamahalaan sa pamamagitan ng Council for the Welfare of Children na nag-uugnay sa iba't ibang ahensya, maging mula sa pamahalaan at sa pribadong sektor upang maibsan ang mga paglabag sa mga karapatan ng mga kabataan. Mahalaga ang information campaign upang mabatid ng lahat ang mga batas na ipinatutupad ng pamahalaan sa pagsasanggalang sa mga kabataan.
Mas makabubuting pagtuunan din ng pansin ang rehabilitasyon ng mga biktima upang makabalik sa normal na pananaw sa buhay, mungkahi pa ni Dr. Benny Vicente, dating director ng National Center for Mental Health. Sa Pilipinas ay mayroon lamang higit sa 500 mga psychiatrist na karamihan ay tumatanggi pang humawak ng rehabilitasyon ng mga biktima ng pang-aabuso.
Bagama't binabanggit ng pamahalaang nararapat magkaroon ng Child Protection Units sa mga pagamutan ng gobyerno, hindi pa ito masiglang naipatutupad sapagkat kulang pa sa pondo at mga tauhang dadalo sa pangangailangan ng mga kabataang biktima.
Binanggit din ni Atty. Eballe at Dr. Vicente na karamihan ng mga biktimang kabataan ay mga kalalakihan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |