|
||||||||
|
||
Operasyon laban sa mga dumukot sa limang pulis, tuloy pa rin
NAGPAPATULOY ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa paghahanap sa mga may kagagawan ng pagdukot sa limang tauhan ng pulisya sa Paquibato District, Davao City.
Kinondena ng Philippine National Police ang insidente subalit tumangging kilalanin ang grupong nasa likod ng insidente kahit may impormasyong mga kasapi ng New People's Army ang sumalakay noong Sabado.
Ayon kay Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, nag-utos na si Davao Regional Command chief Chief Supt. Manuel Gaerlan ng check-point operations ng lahat ng police units upang mapigil ang pagkilos ng mga suspect.
Ayon kay G. Mayor, ang mga kawal ng 84th IB, 68th IB at 601st IB ng 10th Infantry Division ng Philippine Army ang nagsasagawa ng pursuit operations sa kanilang nasasakupan samantalang nasabihan na rin ang Police Regional Offices 10 at 13 upang tumulong at magdagdag ng mga tauhan.
Ayon kay Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng NPA Regional Operations Command, inamin na ng NPA na binihag nila ang limang pulis.
Samantalang 'di kinilala ng PNP ang mga dinukot, kinilala na ng NPA ang mga binihag sa mga pangalang Police Chief Inspector Leonardo Tarungoy, PO3 Rosenei Cabuenas, PO3 Rudolph Pacete, PO2 Neil Arellano at PO3 Abdul Aziz Ali. Itinala rin ng mga NPA ang badge numbers ng mga pulis.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |