|
||||||||
|
||
Hindi makatatanggi si Senador de Lima sa pagdinig sa Kongreso
SENADOR DE LIMA, POSIBLENG DAKPIN. Ito ang sinabi ni Congressman Harry Roque kung hindi sisipot ang kontrobersyal na senador sa pagdinig ng House of Representatives. (Melo M. Acuna)
SINABI ni Kabayan Party List Congressman Harry Roque na hindi makatatanggi si Senador Leila de Lima na dumalo sa pagdinig ng House of Representatives na magsisiyasat sa mga naganap sa New Bilibid Prison noong siya pa ang kalihim ng Kagawaran ng Katarungan.
Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido, ipinaliwanag ni Congressman Roque na ang sinasabing parliamentary courtesy ay kinagawian lamang at hindi maituturing na batas sapagkat ang sisiyasatin ay hindi ang ginagawa ni Senador de Lima bilang senador kungdi sa kanyang ginawa noong kanyang panunungkulan bilang Secretary of Justice.
Magugunitang nabisto ang mga laboratoryo at mga magagandang tirahan ng mga maimpluwensyang bilanggo sa New Bilibid Prison, isang pasilidad sa ilalim ng Bureau of Corrections na saklaw ng Department of Justice.
Sinabi pa ni Congressman Roque na baka ipadakip pa si Senador de Lima kung hindi niya dadaluhan ang pagdinig. Handa umano ang mambabatas na ipagtanong sa hukuman ang karapatan ng Mababang Kapulungan na magpatawag ng isang kasapi ng Senado o Mataas na Kapulungan sa pagdinig in aid of legislation.
Naunang sinabi ni Senador de Lima sa mga naunang panayam na hindi siya dadalo sa pagdinig ng Kongreso sapagkat wala namang mahihita ang mga kongresista sa kanya upang makagawa ng bagong batas.
Niliwanag naman ni Congressman Roque na kung walang kinikimkim na lihim si Senador de Lima, makabubuting dumalo na siya sa pagdinig upang maliwanag ang isyu na nakinabang siya sa sindikato ng droga at ang salaping nalikom ay ginamit sa kanyang pangangampanya bilang kandidato sa pagka-senador.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |