|
||||||||
|
||
Pulisya, nagpasalamat sa madaling paglilitis ng isang Canadian national
NATAPOS ang paglilitis sa isang Canadian national na nakilalang si Jeremy Douglas Harold Arthur Eaton na napatunayang nagkasala ng paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 na kilala sa pamagat na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hinatulan ni Makati Regional Trial Court Judge Gina M. Bibat-Palamos ng Branch 64 na mabilanggo si Eaton ng habang-buhay at pinagmumulta ng kalahating milyong piso. Anim na pahinang desisyon ang inilabas ni Judge Palamos kamakailan.
Hindi kinatigan ng hukuman ang depensa ng akusadong alibi. Ayon sa records ng usapin, nadakip ang akusado noong ika-20 ng Hunyo ng Legal and Investigation Division and Special Operations Unit 4 ng PNP Anti-Illegal Drugs Group sa isang sting operation matapos magbili sa isang police undercover operative ng may 160 piraso ng ecstasy tablets sa Mercado St., Makati City.
Ang mga tableta ay nabatid na bahagi ng may 5,200 pirasong nasamsam ng National Bureau of Investigation mula kay Martin De Fong noong unang araw ng Hunyo.
Tumagal ang paglilitis ng tatlong buwan. Nagpasalamat naman si Police Sr. Supt. Albert Ignatius Ferro sa madaling paggalaw at pagtatapos ng usapin.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |