|
||||||||
|
||
Mga pasilidad ng pamahalaan at sentro ng kalakal, prayoridad sa pagbabalik ng kuryente
PRAYORIDAD ANG COMMERCIAL CENTERS AT PASILIDAD NG PAMAHALAAN. Sa pagbabalik ng kuryente sa mga binagyong bahagi ng Pilipinas, prayoridad ang mga commercial center at mga pagamutan upang makabawi ang mga nasalanta. Ito ang sinabi ni Undersecretary Felix William Fuentebella (gitna) sa isang press briefing kanina. Makababalik na rin ang kuryente sa karamihan ng mga nasalanta
PRAYORIDAD ng Energy sector ng pamahalaang maibalik ang kuryente sa mga sentro ng kalakal at mga pasilidad na pamahalaan bago mabigyang-pansin ang mga tahanan.
Ito ang binigyang-diin ni Energy Undersecretary Felix William B. Fuentebella sa isang press briefing sa National Power Corporation sa Quezon City kanina.
Kailangang maibalik ang kuryente sa mga sentro ng kalakal na katatagpuan ng mga bangko at iba pang pasilidad upang sumulong ang paglilingkod sa mga mamamayan tulad rin ng mga pagamutan at mga kapitolyo't munisipyo at maging mga himpilan ng pulisya.
Umabot sa 35 230-kilovolt towers ang bumagsak samantalang mayroong 362 posteng dinaraanan ng 69-kilovolts and bumagsak at may 235 poste ang tumagilid at mayroon ding 68 mga 69-kilovolt poles ang naputol. Mayroon pa ring pitong 69-Kv poles ang 'di na pakikinabangan.
Tumangging magbigay ng tayang halaga ng pinsala sa mga pasilidad si Undersecretary Fuentebella. Tumanggi rin siyang magbigay ng pagtataya sa salaping nawala mula sa energy sector ng tamaan ng bagyong "Nina" ang iba't ibang bahagi ng Southern Luzon noong Pasko ng gabi.
Umabot sa 1,765,030 mga tahanan ang apektado ng pagkawala ng kuryente at naibalik na ang supply sa may 1,003,500 tahanan hanggang kaninang tanghali. May nalalabi pang 761,494 na tahanan ang mabibigyan ng kuryente sa mga susunod na araw.
Mayroong 600 mga tauhan ng National Grid Corporation of the Philippines ang naghahalinhinan sa pagbabalik ng kuryente sa mga binagyong pook samantalang may 982 mga linemen mula sa MERALCO at mga electric cooperatives ang tumutulong sa local electric cooperatives na karaniwang umaabot ng 16 hanggang 24 na oras sa mga nasalantang barangay.
Nagkaroon na ng mga bagong disenyo ang mga poste upang makaligtas sa hanging umaabot sa 180 kilometro bawat oras. Niliwanag din ng mga autoridad na hindi hangin ang nagpabagsak ng mga tower kungdi ang hanging tumama sa kable ng kuryente kaya't bumagsak ang mga ito sa kanayunan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |