|
||||||||
|
||
Abogado ni Vice President Robredo, hinamon ang kampo ni dating Senador Marcos
HINAMON ni Atty. Romulo Macalintal, abogado ni Vice President Leni Robredo na i-atras ang kanilang electoral protest kung hindi mapatutunayan ang sinasabing malawakang pandarara noong nakalipas na halalan ayon sa datos na natagpuan sa 'di nagamit na SD cards mula sa vote counting machines.
Hinamon ni Atty. Macalintal ang abogado ni G. Marcos, isang Victor Rodriguez na talikdan ang kanyang propesyon kung hindi mapatututnayan ang kanilang pahayag na dinoktor ang bilangan sa pagka-pangalawang pangulo ng bansa.
Naunang sinabi ni Rodriguez na ayon sa datos sa 13 SD cards na 'di nagamit noong nakalipas na halalan ay nagpapakita ng malawakang pandaraya.
Sa isang pahayag, hinamon ni Atty. Macalintal si dating Senador Marcos na lumagda sa isang kasunduan na kung hindi mapatutunayan ang malawakang dayaan noong nakalipas na halalan ayon sa 13 SD cards ng sumailalim sa decryption ng Comelec, iuurong na ni Marcos ang kanyang protesta laban kay Vice President Robredo.
Idinagdag pa ni Atty. Macalintal na si Rodriguez na gumawa ng walang pakundangang pahayag ay nararapat lamang na isuko ang kanyang lisensya sa Korte Suprema upang 'di na makapaglingkod bilang abogado.
At kung mapatutunayan ng mga Marcos na mali ang sinabi ng kampo ni Gng. Robredo, handa na siyang talikdan ang kanyang pagiging abogado at aatras na rin bilang abogado ng pangalawang pangulo.
Ani Atty. Macalintal, kailangang magkaroon ng joint manifestation sa Comelec sa pagitan niya at ni G. Marcos at ng kanyang abogado na hihiling sa komisyon na pansamantalang itigil ang verification at examination ng 13 SD cards hanggang sa malagdaan ang kasunduan sa harap ng mga opisyal ng Commission on Elections.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |